Isko

Mga retiradong kawani ng Maynila tumanggap ng benepisyo

Edd Reyes Aug 11, 2026
27 Views

IskoINILABAS na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mahigit P173 milyong pambayad sa matagal nang naantalang benepisyo sa natipong leave credits ng 260 retiradong kawani Martes ng hapon.

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga retiradong manggagawa sa Bulwagang Villegas, kinilala ng alkalde ang sitwasyon ng mga retiradong kawani na naghintay ng matagal na panahon sa kanilang benepisyo kaya’t gumawa kaagad siya ng hakbang para resolbahin ito.

“What would you feel kung yung pinagtrabahuhan mong siyudad ang siya pang hindi magbibigay ng bagay na dapat lamang sa iyo?” sabi ng alkalde

Ang kabuuang P173,669,852 na inilabas ng alkalde ay ipinamahagi sa mga kawani na nakapagtrabaho sa lokal na pamahalaan na ang ilan ay mula 10-taon habang ang iba ay umabot ng hanggang 40-taon.

Ang pinakamalaking grupo na umabot sa 91-kawani na nakapagsilbi ng mula 31 hanggang 40-taon ang sama-samang tumanggap ng P83.2 milyon, na sinundan ng 24 na kawani na nakapasilbi ng mahigit 40 taon ang sama-samang tumanggap naman P43.4. milyon.

Nilinaw ng alkalde na 80 porsiyento ng mga tumanggap ng tseke ay nagretiro sa ilalim na ng kanyang panunungkulan habang ang 20-porsiyento ay naghintay noon pang nakaraang administrasyon.

Nangako si Mayor Isko Moreno na sa ilalim ng kanyang panunungkulan, ang isang kawani na magreretiro ay kaagad matatanggap ang kanyang benepisyo sa oras na makumpleto ang kanilang clearnces. “Pag nakumpleto mo yung clearances mo, kinabukasan may tseke ka na,” sabi ng alkalde.