Pulis Ang dalawang suspek na inaresto sa pananakit sa pulis sa Quezon City. QCPD-PIO

Pulis napaghinalaan sa grocery, di pinalabas sabay hinampas

28 Views

ARESTADO ang isang aktibong pulis at isang security guard matapos umanong harangin, pagbantaan at saktan ang isang kapwa pulis na umano’y “kahina-hinala” ang kilos sa loob ng isang supermarket sa Quirino Highway, Barangay Baesa, Quezon City, nitong Lunes.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), palabas na sana ng supermarket ang biktima na may ranggong Police Staff Sergeant matapos ipakita ang resibo nang kanyang pinamili nang harangin umano siya ng security guard na si alyas “Mida” dahil sa umano’y kahina-hinalang kilos nito.

Kahit nagpakilala umanong pulis ang biktima, hindi pa rin siya pinayagang makalabas. Tinawag umano ng guwardiya ang isa pang suspek na si alyas “Rey,” isang aktibong pulis na may ranggong patrolman na nasa loob din ng establisimyento.

Tinutukan umano ni “Rey” ang kanyang baril sa biktima, sapilitang hinila ito pabalik sa loob ng supermarket at hinampas ng baril, dahilan upang magtamo ito ng bukol at sugat sa mukha.

Tumulong naman umano ang security guard sa pagpigil sa biktima.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 3 at sinuri ang CCTV footage ng insidente na naging susi sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.

Narekober din ng mga awtoridad ang baril, mga bala, posas at iba pang ebidensiyang may kaugnayan sa insidente.

Kakaharapin ng pulis ang mga kasong Grave Threats, Physical Injuries at Grave Coercion, habang Grave Coercion naman ang isinampa laban sa security guard.

Bukod sa kasong kriminal, maaari ring maharap sa kaukulang kasong administratibo ang pulis.

Pinaalalahanan naman ni QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang mga tauhan ng pulisya na pairalin ang pagpipigil sa sarili, propesyonalismo at pagsunod sa batas at tamang proseso.

Binigyang-diin ni Silvio na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan ng pulisya upang manakot, mang-intimidate o manakit ng sinuman.