Baril

Pellet gun kasama sa paghihigpit sa pagdala ng baril sa NAIA

Jun I Legaspi Aug 12, 2026
25 Views

MULING pinaaalalahanan ng Office for Transportation Security (OTS) ang lahat ng pasahero na ang pagdadala ng baril at mga replika ng baril ay sakop ng mahigpit na regulasyon sa civil aviation security.

Ang mga ito ay dapat ideklara at samahan ng kaukulang dokumento bago dalhin sa loob ng paliparan.

Ang paalalang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kaginhawaan ng lahat ng pasahero.

Noong Agosto 10, 2026, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, nakakita ang isang Security Screening Officer (SSO) ng isang pellet gun mula sa checked baggage ng pasaherong patungong Zamboanga sakay ng PAL flight PR 2993.

Sa isinagawang routine screening, namataan ng X-ray operator na si SSO Larissa Ella Lubrino ang kahina-hinalang bagay. Agad na nakipag-ugnayan si Checkpoint Supervisor Jetty A. Abarabar sa PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), airline representative, at sa may-ari ng bagahe. Sa presensya at pahintulot ng pasahero, isinagawa ang manual inspection na nagpatunay na pellet gun nga ang naturang item, na kinumpirma ng PNP on duty.

Binigyang-diin ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag sa screening at pagsunod sa regulasyon:

“Ang pellet guns at mga bagay na kahawig ng baril ay sakop ng parehong mahigpit na security protocols gaya ng tunay na baril. Kung may dala kayong ganitong item, ideklara ito sa PNP AVSEGROUP Booth at ipakita ang kinakailangang dokumento bago mag-check-in. Ang pagsunod ay nakatutulong upang maiwasan ang abala, maiwasan ang hindi kinakailangang pangamba, at matiyak ang ligtas na biyahe para sa lahat.”