Shabu

P1.2M shabu nakuna sa 2 ‘tulak’ sa buy-bust sa computer shop

Edd Reyes Aug 14, 2026
34 Views

INARESTO ng pulisya ang dalawang umano’y drug pusher sa loob ng isang computer shop matapos pagbentahan ng droga ang pulis na nagpanggap na buyer Huwebes ng gabi sa Pasay City.

Umabot sa 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1,020,000 ang nakumpiska ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco kina alyas Timor, 30, residente ng Brgy. Baclaran, Paranaque City at alyas John, 25, ng Brgy. 145 Pasay matapos isagawa ang buy-bust operation dakong alas-7:35 ng gabi sa loob ng isang computer shop sa Sarhento Mariano Don Carlos Revilla St., Brgy 146.

Ayon kay SPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Maj. Cecilio Tomas Jr., kapuwa nasa kategorya na mga bagong tukoy na High Value-Individuals (HVIs) ang dalawa na nakakapagbenta ng malaking halaga ng ilegal na droga sa kanilang mga parokyano.

Bukod sa malaking halaga ng shabu, nasamsam din ng pulisya kay alyas John ang isang Android smartphone na gamit nila sa ilegal na transaksiyon.

Pinasasampahan na ni BGen. Cinco ang mga suspek ng paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession), Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay City Prosecutor’s Office.