Center

Batas nag nag-aatas ng evac centers iginiit na ipatupad

35 Views

IGINIIT ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Biyernes ang pagpapatupad ng batas na nag-aatas ng evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad habang 522 silid-aralan sa 134 paaralan ang ginagamit na pansamantalang silungan ng 2,815 pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad.

Ayon sa datos ng Department of Education na binanggit ni Gatchalian, ginagamit ang mga silid-aralan bilang pansamantalang silungan sa gitna ng patuloy na pag-ulan dulot ng habagat sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Gatchalian na mababawasan ang pangangailangang gamitin ang mga silid-aralan at iba pang pasilidad ng paaralan bilang pansamantalang silungan kung may permanenteng evacuation centers ang mga lungsod at munisipalidad.

Aniya, maaari ring maantala ang pagpapatuloy ng mga klase matapos ang mga kalamidad kapag ginagamit ang mga silid-aralan bilang evacuation centers.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12076, o Ligtas Pinoy Centers Act, inaatasan ang pagtatatag ng evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad upang pansamantalang matuluyan ang mga taong lumikas dahil sa mga kalamidad at iba pang emergency.

“Ipinasa natin ang Ligtas Pinoy Centers Act upang tiyaking may ligtas na mapupuntahan ang ating mga kababayang nasalanta ng mga kalamidad. Kailangang tiyakin nating maipapatayo ang mga evacuation centers alinsunod sa mandato ng batas para sa kaligtasan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Gatchalian.

Si Gatchalian ay co-author at co-sponsor ng batas.