Calendar
2 pang estudyane nasakote sa pagkamatay ng kapwa estudyante
NAARESTO na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawa pang estudyante na sangkot sa pananaksak at pagpatay sa 16-anyos na estudyante ng senior high school sa tapat ng isang billiard hall sa kahabaan ng Quirino Highway, Barangay Pasong Putik Proper, Quezon City, noong Huwebs, Agosto 13.
Sa ulat kay QCPD director, P/BGen Randy Glenn Silvio, alas-11:30 ng gabi nitong Biyernes (Agosto 14), nang matunton ang isa sa mga menor de edad sa kanyang tirahan, habang ang isa naman ay kusang isinuko ng kanyang mga magulang sa Pasong Putik Police Station (PS-16).
Unang naaresto si alyas “Echavez”, 18, grade 12 student, at nakatira sa Hilltop Subdivision, Caridad 1, Barangay Greater Lagro, Quezon City.
Agad namang inginuso ni Echavez ang dalawang menor de edad, kung saan isa dito ang sinasabi niyang sumaksak at nakapatay sa biktimang si alyas “Kat”, 16, grade 11 senior high school student, at residente ng Caloocan City.
Batay sa imbestigasyon, ang biktima, kasama ang kanyang mga kaklase, ay nagtungo sa isang billiard hall sa Quirino Highway alas-6:00 ng gabi noong Agosto 13.
Habang nasa loob ng establisyimento, dumating ang mga suspek at hinamon ng suntukan ang grupo ng biktima, na kalaunan ay nauwi sa pisikal na komprontasyon.
Sa gitna ng kaguluhan, isa sa mga suspek ang umano’y naglabas ng patalim at paulit-ulit na sinaksak ang biktima bago tumakas mula sa lugar kasama ang kanyang mga kasamahan.
Agad na isinugod ang biktima sa Commonwealth Hospital subalit idineklara na siyang dead on arrival sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang dibdib at kaliwang puwet.
Ang mga menor de edad na suspek ay sasailalim sa nararapat na prosesong legal para sa kasong Homicide sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Dagdag ng QCPD, ililipat sila sa Molave Youth Home sa Quezon City para sa angkop na interbensyon at disposisyon, alinsunod sa mga umiiral na batas at protocol na sumasaklaw sa mga batang nasa hidwaan sa batas.

