Vargas

Vargas nakuha No. 2 spot sa Top 10 legislators

153 Views

MAY dahilan ang mga Novaleño na ipagmalaki ang kanilang kinatawan.

Nakuha ni Quezon City District V Representative Patrick Michael “PM” Vargas ang No. 2 spot sa Top 10 Outstanding Legislators ng Gawad Pilipino Awards, isang pambansang pagkilala sa mga natatanging mambabatas mula sa mahigit 300 district at party-list representatives ng Mababang Kapulungan.

Para kay Vargas, hindi lamang ito personal na tagumpay kundi pagkilalang ibinabahagi niya sa buong Novaliches at sa mga mamamayang kanyang pinaglilingkuran.

“Taos-puso ang aking pasasalamat sa bawat Novaleño sa inyong tiwala, suporta, at patuloy na paniniwala. Ang pagkilalang ito ay para sa ating lahat,” ani Vargas.

Nagsimula ang ikalawang termino ni Vargas sa gitna ng maraming politikal na propaganda sa kanya. Sa halip na magpaapekto sa mga paninira, fake news, at mga walang basegang kasong inihain laban sa kanya, sinabi ni Vargas na pinili niyang ituon ang kanyang panahon at lakas sa trabaho at serbisyo para sa distrito.

“Doble ang sipag natin ngayong termino. Ang sagot natin ay trabaho, serbisyo, at resulta,” ani Vargas. “Bunga ito ng hard work. Hindi ito nangyari overnight.”

Malaking impluwensiya rin sa paraan ng kanyang paglilingkod ang kanyang nakatatandang kapatid na si Councilor Alfred Vargas, na nauna ring nagsilbi bilang kinatawan ng District V. Para kay Cong. PM, ang sipag, pagiging malapit sa mga tao, at pagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga Novaleño na nakita niya sa kanyang kuya ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa kanyang sariling serbisyo publiko.

Sa kabila ng parangal, iginiit ni Vargas na hindi ito dahilan upang magpahinga, kundi dagdag na hamon upang lalo pang pagbutihin ang kanyang trabaho.

“Malaking karangalan ito, pero mas malaking responsibilidad. Marami pa tayong kailangang gawin at marami pa tayong kababayang kailangang pagsilbihan,” ani Vargas.

Bukod sa Gawad Pilipino recognition, nakamit din ni Vargas ang No. 2 ranking sa Metro Manila representatives sa “Boses ng Bayan” survey ng RPMD noong Mayo 2026, kung saan nakakuha siya ng mahigit 85% trust rating.

Ang Gawad Pilipino Awards ay nagbibigay-parangal sa mga natatanging indibidwal, lingkod-bayan, personalidad sa media, at institusyon para sa kanilang kahusayan, dedikasyon, at serbisyo publiko. Itinatag ito noong 2015 upang kilalanin ang kahusayan at hikayatin ang patuloy na makabuluhang paglilingkod sa bayan.