MTRCB

2 Pinoy na pelikula inaasahang tatangkilikin matapos mabigyan ng PG, R-13 rating ng MTRCB

24 Views

INAASAHANG tatangkilikin ang dalawang Filipino films na palabas ngayong linggo matapos gawaran ito ng PG (Parental Guidance) at R-13 na rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Ang “HB2ME,” na tampok sina John Arcilla at Elijah Canlas, ay rated R-13, samantalang ang “Senior Moments” na pinagbibidahan nina Nova Villa, Tessie Tomas at Noel Trinidad ay rated PG.

Ikinagalak ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto ang mga pelikulang gawang-Pinoy at inanyayahan niya ang publiko na suportahan ang pelikulang Pilipino.

“Masaya kami na mapapanood muli sa pinilakang tabing ang ilan sa ating mga beterano at sikat na artista. Tiyak na mag-eenjoy ang kanilang mga fans at may mapupulot na aral sa kanilang mga kuwento,” sabi nya.

“Nais din naming paalalahanan ang mga magulang na tingnan ang ratings ng mga pelikula bago bumili ng tiket at gabayan ang mga anak nila sa panonood ng mga tampok na sine ngayong linggo,” dagdag ni Sotto.

Ang “HB2ME” ay isang dark comedy-drama thriller na may mature thematic elements gaya ng family conflict, psychological trauma, abusive family dynamics, coercive behavior, pag-abuso sa awtoridad, paghihiganti at krimen.

Sabi ng MTRCB, ang mga eksena ng “suspense, emotional distress, moderate violence, the use of expletives and dangerous pranks may constitute imitable behavior” kung ito ay mapanood nang walang sapat na pag-intindi o konteksto.

“While these elements are integral to the story and are not gratuitous, they require a degree of maturity to fully understand and appreciate,” paliwanag ng Ahensiya.

Ang “Senior Moments,” isang 2024 comedy drama, ay kuwento ng tatlong senior citizen at ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap.

Tampok naman sina Lin Shaye, Sam Spruell at Amelia Eve sa “Insidious: Out of the Further,” ang pang-anim na installment sa “Insidious” horror franchise. Ito’y rated R-13.

“Although the film may fall within the intensity generally associated with an R-13 classification in some respects, parents should be aware that its frequent supernatural scares, unsettling atmosphere and sustained suspense may be particularly frightening for younger or more sensitive viewers,” paliwanag ng Ahensiya.

Dagdag pa ng MTRCB, kahit na ang mga older children na sanay sa mga pelikulang katatakutan ay dapat maging handa sa mga “intense scenes designed to shock and unsettle audiences.”

Ang “Kung Fu Soccer,” isang action comedy sa direksyon ni Stephen Chow ng 2001 hit na “Shaolin Soccer,” ay rated PG.

Ito ay may sports-action at temang komedya, competition, teamwork, betrayal, perseverance at martial arts-inspired football sequences.

“While the material appears uplifting, humorous, and family-oriented, some scenes may involve stylized action, fantasy martial arts, physical impact, sports-related conflict and some language which may not be suitable for very young audiences,” sabi ng MTRCB.

Kailangan ng mga batang manonood ng parental guidance upang maintindihan ang mga ibang elemento nito at ang mga eksena na may “imitable behavior.”

Samantala, ang “The End of Days,” isang 2024 adventure sci-fi, ay rated R-16 at eksklusibong ipapalabas sa Megaworld Cinemas. Kuwento ito ng isang batang lalaki at kanyang ama sa isang mapanganib, post-apocalyptic na mundo na winasak ng isang nakamamatay na virus.

“There are graphic scenes showing death and destruction, and shots being fired directly by soldiers or by some survivors and even by the young boy, himself, as he navigates his survival after his father’s and friend’s death,” sabi ng MTRCB.

Ang “Sacrifice,” isang action-adventure comedy na pinagbibidahan nina Chris Evans, Salma Hayek at Anya Taylor-Joy, ay rated R-13 dahil sa “mild action violence, shootings, stabbings and bloody injuries.”

Sabi ng MTRCB, maaaring hindi angkop sa mga edad 13 at pababa ang “sustained suspense, disturbing ritualistic imagery, frequent use of strong swear words, coarse language and other mature themes.”

Ang G o General Audience ay para sa lahat ng edad. Sa PG o Parental Guidance, kailangang may kasamang magulang o guardian ang batang manonood.

Ang R-13 ay para sa edad 13 at pataas, samantalang ang R-16 ay sa edad 16 at pataas. Ang R-18 naman ay sa mga nasa wastong edad lamang.