Calendar
Speaker Dy: Kongreso kikilos para higit na maprotektahan mga bata matapos ang trahedya sa Zamboanga
NANGAKO si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na susuriin ng Kamara de Representantes ang mga batas, polisiya at kasalukuyang “safety measures” upang higit na maprotektahan ang mga bata laban sa karahasan sa mga paaralan kasunod ang panibagong trahedyang naganap sa Ateneo de Zamboanga University.
Sinabi ni Speaker Dy na hindi dapat matapos sa pakikiramay at panalangin ang tugon ng pamahalaan sa insidente. Aniya, kailangang magkaroon ng masusing pagsusuri na nakabatay sa mga datos at ebidensya upang matukoy kung ano ang maaaring gawin upang maiwasan ang katulad na trahedya.
“Nakikiramay po tayo nang buong puso sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga batang nasawi sa trahedyang nangyari sa Ateneo de Zamboanga,” sabi ng Speaker.
Bilang ama at lolo, sinabi pa ng Speaker na masakit isipin na may mga magulang na naghatid ng kanilang mga anak sa paaralan ngunit hindi na sila nakauwi nang buhay.
Ayon sa House Speaker, ibang-iba na ang mundong ginagalawan ng mga kabataan ngayon kumpara sa mga nakaraang henerasyon. Mas marami aniya silang kinakaharap na bagong impluwensya at panganib na kailangang mas maunawaan ng mga mambabatas, magulang at komunidad.
“Hindi puwedeng matapos ang tugon natin sa pakikiramay at panalangin. Kailangan nating maintindihan kung bakit at paano ito nangyari, kung ano ang maaaring nakapigil dito, at kung ano ang dapat nating baguhin para manatiling ligtas ang ating mga anak sa paaralan,” pahayag ng Speaker.
Sinabi ni Speaker Dy na kailangang tingnan ng Kamara ang mga umiiral na batas, polisiya at safeguards upang matukoy kung mayroon pang mga kakulangan na dapat tugunan bago muling magkaroon ng trahedya.
“Bilang lawmakers, our work cannot begin only after a tragedy has happened. We have to look for the gaps before another family has to bury a child,” pahayag pa nito.
Binigyang-diin ng Speaker na magiging “facts at ebidensya” ang magiging gabay ng Kongreso sa mga susunod nitong hakbang.
Makikipag-ugnayan aniya ang Kamara sa mga eksperto at susuriin ang mga pag-aaral, research at karanasan ng ibang bansa kaugnay ng school safety at proteksiyon sa mga bata.
Mahalaga rin aniya ang pakikinig sa mga magulang, guro at mismong mga kabataan upang mas maunawaan ang mga panganib na kanilang nararanasan.
Nanawagan din si Dy na huwag hayaang mawala sa atensyon ng publiko ang usapin matapos ang unang bugso ng pagdadalamhati.
“Hindi natin puwedeng iyakan ang trahedyang ito ngayon, tapos kalimutan na lang bukas,” ani Dy.
Tiniyak ng Speaker na kikilos ang Kongreso upang makahanap ng mga konkretong solusyon na makapagbibigay ng mas malaking proteksiyon sa mga bata habang nasa paaralan.
“Kikilos ang Kongreso nang maagap, batay sa ebidensya, at may paninindigang humanap ng mga solusyong tunay na magbibigay-proteksyon sa ating mga anak,” dagdag niya.
