Mas matibay na proteksyon online sa mga bata hiniling ng mga senador

14 Views

NANAWAGAN ang ilang senador ng mas mahigpit na pag-iingat sa mga baril, mas matibay na proteksyon sa mga bata online at patuloy na pagbusisi sa marahas na online activity matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.

Sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na itutuloy ng Senado sa susunod nitong pagdinig sa Huwebes ang pagbusisi sa Nihilistic Violent Extremism o NVE, online grooming for serious violent activity at iba pang banta sa mga bata.

Nilinaw naman niya na hindi pa natitiyak kung may koneksyon ang pamamaril sa Zamboanga sa NVE o sa iba pang online communities na sinimulang suriin matapos ang naunang pamamaril sa Tacloban.

“Sa ngayon, hindi pa natin masasabi kung may koneksyon ito sa Nihilistic Violent Extremism (NVE) o sa iba pang online communities na sinimulan nating suriin matapos ang Tacloban shooting,” sinabi ni Hontiveros.

Ayon sa senadora, susuriin sa mga pagdinig kung may mga kailangang baguhin sa school at online environments ng kabataan.

Nagpahayag din si Hontiveros ng pag-aalala sa karahasang ipinapakita, ginagaya at nili-livestream online.

Nanawagan naman si Senadora Pia Cayetano ng mas matibay na mental health support, seguridad sa paaralan at paghihigpit sa paggamit ng social media ng mga bata.

“Children below a certain age should have NO access to social media. Those old enough to go online should do so with the guidance of parents and schools,” sinabi ni Cayetano.

Sinabi niya na maaaring malantad ang mga bata sa harmful material, dangerous groups at online predators kung walang sapat na paggabay ng mga magulang at paaralan.

Binanggit din ni Cayetano, batay sa initial findings na kanyang tinukoy, na ang baril na ginamit sa pamamaril ay pag-aari ng ama ng suspek, na sinabi niyang umano’y isang Bureau of Customs police official.

Nanawagan siya ng wastong pag-iimbak at mahigpit na pag-iingat sa mga baril upang hindi ito maabot ng mga bata at ibang taong walang pahintulot.

Hiniling din ni Cayetano sa Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, Department of Information and Communications Technology at Department of Education na palakasin ang koordinasyon sa school safety, child protection, mental health at online safety.

Nanawagan naman si Senadora Loren Legarda ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa baril at imbestigasyon kung paano nakuha ang armas na ginamit sa pamamaril.

Sinabi ni Legarda na dapat alamin kung may puwang sa umiiral na mga batas sa baril o kung may problema sa pagpapatupad ng mga ito.

“No student should be able to walk into a school carrying a gun. No firearm should be within easy reach of a child,” sinabi ni Legarda.

Nanawagan siya ng mahigpit na pagsunod sa mga patakaran sa pagmamay-ari, pag-iimbak, pagdadala at paglilipat ng mga baril at sinabi niyang responsibilidad ng mga may-ari na tiyaking hindi ito maaabot ng mga bata o ibang taong walang pahintulot.

Hiniling din ni Legarda na suriin kung paano ipinapakita at nagiging pangkaraniwan ang karahasan online at offline.

Samantala, binanggit ni Senador Alan Peter Cayetano ang panukalang Filipino Identity in Values Act habang nananawagan sa mga pamilya, paaralan, pamahalaan, simbahan, media at iba pang sektor na palakasin ang paggalang sa buhay, malasakit at pananagutan ng kabataan.