Pader Source: Taguig CDRRMO

Pader sa gilid ng C5 Road bumagsak dahil sa Habagat

Edd Reyes Aug 20, 2026
20 Views
Pader1
Source: Taguig CDRRMO

INILIKAS ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang 11-pamilyang naninirahan sa gilid ng C5 Road bunga ng panganib ng landslide Miyerkules ng hapon sa Taguig City.

Ipinasiya ng lokal na pamahalaan na ilikas ang mga naninirahan sa gilid ng C5 Road sa Barangay Western Bicutan sa direktiba na rin ni Mayor Lani Cayetano matapos bumagsak ang nakatagilid ng pader sa bahagi ng C5 Road bunga ng paglambot ng lupa dahil sa patuloy na malalakas na buhos ng ulan na dulot ng Habagat.

Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa pagbagsak ng pader na kaagad ding pinagtulungang alisin ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Search and Rescue Team,Taguig Bureau of Fire Protection (BFP) Special Rescue Unit, at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa lugar at mga motoristang dumadaan sa naturang lansangan.

Hinatiran ng mga pangunahing pangangailangan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at mga opisyal ng barangay ang mga inilikas na pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa Barangay Western Bicutan Evacuation Center.

Nagbigay ng tagubilin ang lokal na pamahalaan sa mga residente ng lungsod na manatiling mapagbantay at kaagad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan kung makaramdam ng panganib sa kapaligiran.