Nakaw

Kelot nanloob ng bahay, na-track ng GPS, natugis

157 Views

NAARESTO ang 34-anyos na lalaki na umano’y nagnakaw sa bahay sa Brgy. Greater Fairview, Quezon City noong Agosto 20.

Ang suspek, na nakilalang si alyas Bong, ay naaresto ng mga tauhan ng Fairview Police Station dakong alas-3:00 ng hapon sa Pasong Putik, Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon, nadiskubre ang panloloob sa bahay nang umuwi ang complainant dakong alas-6:30 ng umaga.

Nang inspeksyunin ang loob ng bahay, napansin na nawawala ang ilang personal na gamit kaya humingi ng tulong sa mga pulis ang biktima.

Sa follow-up operation, natukoy ng mga awtoridad na aktibo ang GPS location tracking ng ninakaw na iPad A16 kaya nasundan ang mga suspek at tuluyang nahuli.

Narekober kay Bong ang iPad A16, G-Shock wristwatch, iPhone 16, HP backpack at Michael Kors wallet na may kabuuang halagang P51,600.

Nahaharap ngayon sa kasong robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office ang suspek.

Ayon kay QCPD District Director PBGEN Randy Glenn Silvio, patunay ang insidente na malaking tulong ang teknolohiya sa mabilis na paglutas ng mga krimen.