Calendar
Fetus ginawang donation, dineliver sa simbahan
ISANG fetus na tinatayang six to eight months old at nakasilid sa kahon ng gatas na may markang ‘clothes donation’ ang inihatid umano ng delivery rider sa harap ng simbahan sa Malate noong Sabado.
May kasama pang pusod ang fetus.
Ayon sa saksi na si alyas Marvi, 45, ng 1003 Int. 45, A. Mendiola Ext., Otis, Paco, Manila, nakabalot sa kumot na may mantsa ng dugo at natatakpan ng mga damit na nakalaan para sa donasyon ang fetus.
Ang fetus ay nakalagay sa kahon ng milk supplement na may markang “Clothes Donation Malate Church.”
Ang natagpuang kahon ay inihatid bandang alas-9:40 ng gabi noong Agosto 21 ng babaeng tinatayang nasa edad 30–35.
Nagpakilala siyang delivery rider at nagpakita pa ng booking receipt bilang patunay ng paghahatid.
Sinabi umano ng babae na ang kahon ay nagmula sa isang “Mam Cora” at dapat ibigay sa kura paroko ng Malate church.
Matapos matuklasan ang fetus, humingi ng tulong ang saksi sa mga tauhan ng Remedios police community precint.
Tumugon sina PMSg Adriano Ocampo, Pat Jimwell Magpayo at PCpt Armando Penaflor Jr., commander ng Remedios PCP.
Siniguro at nilagyan ng mga pulis ng harang ang paligid upang mapanatili ang kaayusan.
Ipinagbigay-alam ang insidente sa Manila Police District-Homicide section at tumugon si Pat. Butch Bing Bong Baladjay upang asikasuhin ang kaso.
Inilipat ang labi ng fetus sa J Roa Funeral at ang insidente ay inilipat sa MPD Homicide section.

