Kawatan

Paaralan sa QC nilooban, P95K gamit nabawi, 1 huli

135 Views

NATIMBOG ng pulisya ang isa sa dalawang kawatan na nanloob umano sa isang private school sa Barangay Sauyo, Quezon City at nabawi ang nasa P95,000 halaga ng mga electronic device.

Ayon sa report naaresto ng mga tauhan ng Talipapa Police Station ang suspek dakong alas-8:30 ng gabi noong Agosto 23, matapos matukoy sa isinagawang pagsusuri sa CCTV at follow-up investigation.

Patuloy naman na pinaghahanap ang kaniyang kasabwat.

Pinasok umano ng mga suspek ang paaralan sa pagitan ng alas-12:35 at alas-2:35 ng madaling-araw noong Agosto 22.

Base sa CCTV footage umakyat ang mga ito sa bubong mula sa likurang bahagi ng compound at tumawid sa mga railings bago nakapasok sa gusali.

Nadiskubre ang pagnanakaw nang magising ang kamag-anak ng may-ari na nanunuluyan sa ikalawang palapag at makitang magulo ang lugar at sapilitang nabuksan ang admin office.

Narekober mula sa suspek ang ilang cellphone, external hard drive, speaker, CCTV camera at iba pang electronic device.

Gayunman, nawawala pa ang isang DSLR camera, ilang hard drive, flashlight at P150,000 cash.

Itinuro rin umano ng suspek sa mga pulis ang pinagtaguan ng iba pang ninakaw na gamit habang patuloy ang manhunt sa kanyang kasabwat.

Kinasuhan ang suspek ng robbery in an uninhabited place or in a private building sa ilalim ng Article 302 ng Revised Penal Code at isasailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni NCRPO Officer-in-Charge PBGEN Christopher N. Abrahano ang QCPD sa mabilis na pagkilos at paggamit ng CCTV sa paglutas sa kaso.