Calendar
Dating dekano ng PLM Law School binatikos immunity ni Bonoan
KINUWESTIYON nitong Miyerkules ang hakbang ng Office of the Ombudsman na gawing state witnesses si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at iba pang mga insider ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa isang dating dekano ng law school, ang mga opisyal na kumontrol sa disenyo, bidding, pagpapatupad at pagbabayad para sa mga proyektong umano’y may anomalya ay dapat ituring na pangunahing mga sangkot sa plunder scheme, sa halip na bigyan ng proteksiyon laban sa pag-uusig.
Si dating Pamantasan ng Lungsod ng Maynila president at College of Law Dean Jose “Judd” Roy III, na naging bahagi ng defense team ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, ay nagsabing hindi maaaring umandar ang umano’y flood-control kickback machinery kung wala ang pakikilahok ng mga opisyal ng DPWH na humawak sa halos lahat ng prosesong kinakailangan upang mailabas ang pondo ng gobyerno.
“Matagal ko nang napupuna ’yan, at ito’y isang malaking problema para sa akin. Napapansin ko sa lahat ng mga kasong ito, parating binibigyan ng Ombudsman ng immunity ’yang DPWH,” diin ni Roy sa isang panayam sa dzRH nitong Miyerkules.
Itinuro ni Roy ang kontrol ng kagawaran sa pondo ng mga proyekto, mga disenyo, bidding, pagpili ng contractor, pag-apruba sa mga accomplishment at, sa huli, pagpapalabas ng bayad bilang dahilan kung bakit hindi maaaring ituring na mga simpleng testigo lamang sa umano’y katiwalian ang mga opisyal ng DPWH.
“Nasa kanila ang pondo, nasa kanila ang disenyo, nasa kanila ang bidding, sila ang mamimili ng kontratista, sila ang mag-aapruba ng lahat ng trabaho, sila ang mag-uutos na maghanda ng pambayad. Sila rin ang mag-uutos ng pag-release ng bayad,” paliwanag niya.
Ang naturang batikos ay kasunod ng botong 2-1 ng Fifth Division ng Sandiganbayan upang pagbigyan ang kahilingan ng Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado sa mga kasong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y P573-milyong flood-control kickback scheme. Dahil dito, nabuksan ang posibilidad na gamitin ng mga tagausig ang dating hepe ng DPWH bilang state witness.
“Bakit ito pa ang binibigyan ng immunity? Ito pa ang pinagtatanggol,” giit ni Roy.
Orihinal na kinasuhan si Bonoan kasama si Sen. Jinggoy Estrada at ilang dating opisyal ng DPWH.
Kalaunan, hiniling ng Ombudsman ang pakikipagtulungan ni Bonoan dahil sa kanyang kaalaman sa loob ng institusyon, na maaaring makatulong upang mabunyag ang umano’y sistemang nasa likod ng mga kuwestiyonableng transaksiyon sa flood-control at mapalakas ang mga kaso laban sa iba pang personalidad.
Gayunman, iginiit ni Roy na ang mahalagang usapin ay kung ang isang opisyal na umano’y may pangunahing papel sa pagproseso ng mga transaksiyon ay makatutugon sa pangunahing rekisito para maging state witness—na hindi siya dapat lumitaw na siyang may pinakamalaking pananagutan sa mga akusado.
“Ang ibig sabihin nitong tatanggalin at gagawing state witness, lumalabas kasi ang rekisito po ng batas diyan, hindi mo maaaring gawing state witness ’yan kung ’yan ang pinaka-guilty. Kung ’yan ang may pinakamaraming kasalanan,” diin niya.
Ayon sa dating dean ng law school, ang mga mambabatas na inakusahan ng pagtanggap ng kickback ay hindi naghanda ng mga dokumento ng proyekto o kumontrol sa administrative machinery na kinakailangan upang mailabas ang pampublikong pondo. Samantala, umano’y ang mga tauhan ng DPWH ang humawak sa mga prosesong ito at, batay sa mga kaso, ay nakilahok din umano sa mga komisyon.
“Yun ang sinasabi ko, paano magiging mas makasalanan yung senador kaysa dito sa mga taga-DPWH, na bukod pa doon sa pamemeke, meron pang komisyon. Ang dami-daming kasalanan noon, tapos ito bibigyan mo ng immunity,” paninindigan ni Roy.
Ang desisyon ng Fifth Division ay taliwas sa naunang desisyon ng Second Division ng Sandiganbayan, na tumanggi sa kahilingan ng Ombudsman na alisin si Bonoan sa isang hiwalay na graft case.
Dahil dito, nananatiling akusado si Bonoan sa naturang kaso habang patuloy na hinahabol ng mga tagausig ang kanyang testimonya sa ibang paglilitis.
Nagbabala si Roy na ang paggamit sa mga opisyal ng DPWH bilang cooperating witnesses ay maaaring magbigay-daan upang makaiwas sa pananagutan ang mga taong umano’y kailangang-kailangan sa pagpapatupad ng mga transaksiyon, habang nakatuon ang pag-uusig sa mga opisyal na nasa labas ng kagawaran.

