Gatchalian

GATCHALIAN ISINUSULONG ANG RISE PANEL

23 Views

ISINUSULONG ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagbuo ng isang ad hoc committee na bubuuin ng lahat ng senador at maghahanda ng mga rekomendasyon sa batas at 2027 national budget habang nahaharap ang bansa sa mas mabagal na paglago ng ekonomiya.

Sa kanyang sponsorship speech nitong Martes, sinabi ni Gatchalian na layunin ng proposed Senate Resolution No. 618 na likhain ang Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth o RISE Ad Hoc Committee.

Dumarating ang panukala matapos lumago nang 2.3 porsiyento ang gross domestic product o GDP ng bansa sa ikalawang quarter ng 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Sa panig ng paggasta, 2.8 porsiyento lamang ang paglago ng household consumption habang bumagsak nang 9.2 porsiyento ang gross capital formation, o pamumuhunan sa mga gusali, kagamitan at iba pang productive assets.

Ibinaba rin ng Development Budget Coordination Committee noong Hulyo ang growth target ng pamahalaan para sa 2026 sa 3.5 hanggang 4.5 porsiyento mula sa dating 5 hanggang 6 porsiyento.

Ayon sa DBCC, maaaring mapabagal ang paglago dahil sa domestic at external uncertainties, mataas na inflation, geopolitical tensions sa Middle East at iba pang pangyayaring nakaaapekto sa business at consumer confidence.

Nagbaba rin ng 2026 growth forecasts para sa Pilipinas ang World Bank at Asian Development Bank sa 3.7 porsiyento at 3.8 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.

Sinabi ni Gatchalian na tututukan ng RISE committee ang mga problemang gaya ng mahinang paggasta ng mga pamilya, pagbaba ng public infrastructure spending, pagtaas ng presyo ng langis at epekto ng geopolitical developments sa ekonomiya.

“The problems facing our economy are clear, broad, and interconnected,” ani Gatchalian.

Inihain ang resolusyon nina Gatchalian, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Kapag pinagtibay ang panukala, pamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, ang panel.

Magiging vice chairpersons ang mga chairperson ng pitong Senate committees: sina Sen. JV Ejercito para sa finance; Sen. Panfilo Lacson para sa ways and means; Sen. Bam Aquino para sa trade, commerce and entrepreneurship; Sen. Mark Villar para sa banks, financial institutions and currencies; Sen. Joel Villanueva para sa labor, employment and human resources development; Sen. Vicente Sotto III para sa public works; at Sen. Erwin Tulfo para sa energy.

Sa ilalim ng resolusyon, inaatasan ang panel na magsumite ng interim report bago ratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang 2027 national budget. Maaaring kabilang dito ang mga rekomendasyong maaaring isama sa spending plan.

Magsusumite naman ang komite ng final report sa Senado bago ang sine die adjournment sa Hunyo 4, 2027.

Sinabi ni Gatchalian na layunin ng komite na bumuo ng magkakaugnay na tugon sa economic slowdown at mga pandaigdigang pangyayaring maaaring makaapekto sa ekonomiya.

“Changes in world events cannot be controlled or prevented, but we can control how we plan so that changes do not cripple our people’s lives in the short-term and derail the economic goals meant to benefit future generations,” ani Gatchalian.