Panopio

Youth Leadership Summits, Education Campaigns ng miliar di intelligence gathering

39 Views

SINABI ni Armed Forces of the Philippines Col. Magtangol Panopio na ang Youth Leadership Summits at Information and Education Campaigns na sakop ng kanyang Civil-Military Operations work ay hindi intelligence-gathering activities.

Sa pagtatanong ni Senator-judge Erwin Tulfo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong si Panopio kung ang mga aktibidad ay para sa community relations at hindi sa pangangalap ng intelligence information.

“Yes, Your Honor,” sagot ni Panopio.

Nang tanungin ni Tulfo kung intelligence gathering ang naturang mga aktibidad, sinabi ni Panopio: “It is not, Your Honor.”

Tinanong din ni Tulfo kung alam ni Panopio kung may ibang intelligence units ng militar na maaaring nakipag-ugnayan sa Department of Education o nagbigay ng impormasyon kaugnay ng mga estudyanteng pinaghihinalaang may ugnayan sa insurgent groups.

Hindi sinabi ni Panopio na may ganoong koordinasyon.

“I can only speak for the Civil Military Operations Activities, Your Honor. Yon po yung activities na intelligence community, they have their own, Your Honor,” aniya.

Sa kanyang sagot, nilimitahan ni Panopio ang kanyang testimonya sa Civil-Military Operations at hindi siya nagbigay ng pahayag tungkol sa ginagawa ng hiwalay na intelligence units ng AFP.

Tinanong din ni Tulfo kung alam ni Panopio ang pagkakaiba ng confidential fund at intelligence fund.

“With respect to the topic for the day, I don’t have any idea, Your Honor,” sagot ni Panopio.

Pagkatapos nito, si Tulfo ang nagbigay ng paliwanag sa pagkakaiba ng dalawang uri ng pondo.

Sa ilalim ng mga patakaran ng gobyerno, ang confidential expenses ay tumutukoy sa ilang surveillance-related activities ng civilian government agencies na kaugnay ng kanilang mandato, habang ang intelligence expenses ay ginagamit para sa intelligence-information gathering na may kaugnayan sa national security.

Lumilitaw ang testimonya ni Panopio sa pagtalakay ng impeachment court sa mga military certification na iniugnay sa liquidation ng confidential funds ng DepEd noong education secretary si Duterte.

Sa naunang mga pagdinig, napag-usapan din ang Youth Leadership Summits at iba pang aktibidad na tinukoy sa ilang military certification.

Sinabi rin ng ilang military officials sa naunang House inquiry na walang confidential funds ng DepEd na natanggap ang kanilang mga yunit para pondohan ang naturang mga aktibidad.