Bucoy

Atty. Bucoy ng FLAG/MABINI: Burden of evidence bumalik sa Ombudsman matapos pasubalian ng kampo ni Romualdez ang mga alegasyon

15 Views

BUMALIK sa mga naghahabol ng kaso laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang burden of evidence matapos pasubalian ng kanyang kampo ang mga alegasyong umano’y malalaking halaga ng pera ang inihatid sa kanya.

Ayon sa beteranong litigator, direktang hinamon ng depensa ang mga ebidensiyang unang iniharap laban sa mambabatas mula Leyte.

Si Atty. Antonio “Audie” Bucoy, beteranong litigator at miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism Inc. (MABINI), ang nagbigay ng naturang legal assessment sa panayam sa dzBB nitong Miyerkules.

“Tama po. Nung nauna ho, nung lumabas ’yung 18 na ‘Maleta Boys,’ tapos pinili ng Office of the Ombudsman ’yung walo na sinasabi nila na magpapatibay sa katibayan o ebidensiya, ang shift of burden of evidence po ay nag-shift doon sa depensa o kay dating Speaker Martin Romualdez,” ani Bucoy.

“Subalit nung sinagot ito ng kampo ni dating Speaker Romualdez at pinabulaanan ’yung mga naunang nabanggit na katibayan kontra kay Speaker Romualdez, na sinasabi na nagkaroon ng delivery ng limpak-limpak na salapi sa kanya, ’yung evidence po ay nag-shift muli sa prosecution. Bumalik muli sapagkat ito po ay patungkol sa kawalang-sala ni dating Speaker Romualdez at tinutuligsa na pawang kasinungalingan ’yung unang ebidensiya pabor sa prosekusyon,” paliwanag niya.

“So, nag-shift ho ngayon ’yung evidence ngayon, balik ’yan sa prosecution,” dagdag ni Bucoy.

Iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman si Romualdez kaugnay ng mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa umano’y paghahatid ng malaking halaga ng pera na sinasabing nagmula sa mga maanomalyang flood-control projects.

Bahagi ng mga pinagbatayan ng imbestigasyon ang mga pahayag ng dating security personnel ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na nagsabing umano’y may mga maletang naglalaman ng pera na inihatid sa mga ari-ariang iniuugnay sa dating Speaker.

Gayunman, binawi na ng ilang indibidwal na unang nag-ugnay kay Romualdez ang kanilang mga alegasyon, kabilang ang dating Marine na si Orly Guteza.

Nagsumite rin ang kampo ni Romualdez ng mga sinumpaang salaysay mula sa iba pang dating driver at security aide na kumukuwestiyon sa umano’y salaysay tungkol sa paghahatid ng pera.

Magkaiba ang burden of  proof at burden of evidence

Ipinaliwanag ni Bucoy ang pagkakaiba ng burden of proof, na patuloy na nasa prosekusyon upang patunayan ang mga alegasyon nito, at burden of evidence, na maaaring lumipat sa magkabilang panig habang naghaharap ang mga ito ng ebidensiyang sumasagot sa posisyon ng kabilang panig.

“Kasi ganito, ayon ho sa batas, ang prosekusyon ang merong burden of proof o dapat nilang patunayan ’yung kanilang alegasyon,” paliwanag ni Bucoy.

“Okay, so hindi ho nawawala ’yan sapagkat meron hong presumption of innocence, o pagpapalagay na walang kasalanan, in favor of the accused,” dagdag niya.

Paulit-ulit nang itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon at hiniling sa Ombudsman na ibasura ang mga reklamo laban sa kanya.

Ayon sa kanyang kampo, pinahina ng pagbawi ng ilang testigo sa kanilang mga naunang pahayag at ng mga counter-affidavit ang factual basis ng mga alegasyon.

Samantala, sinabi ng Ombudsman na patuloy nitong sinusuri ang iba pang mga testigo at ebidensiya.

“’Yun hong burden of evidence, it shifts dahil kung meron hong iniharap na ebidensya ang prosekusyon na kung hindi kokontrahin ay mas malamang na ma-convict ’yung akusado, eh ’yun ho ’yung shift of burden of evidence,” ani Bucoy.

Ayon sa abogado, kapag may iniharap na ebidensiyang maaaring sumuporta sa isang alegasyon, inaasahang haharapin at sasagutin ito ng kabilang panig.

Ngunit kung matagumpay na mapabulaanan ang naturang ebidensiya, maaari umanong bumalik sa mga naghahain ng alegasyon ang burden of evidence.

“So, dapat ngayon tukuyin ng depensa kung ano ’yung mga ebidensya na nagdidiin at nagpapatunay na ang inaakusahan ay may pananagutan,” ani Bucoy.