Calendar
Tambay dinampot sa bahay sa pagmanyak sa minor
TIMBOG ang 27-anyos na tambay na wanted sa pag-manyak sa menor-de-edad na biktima nang masukol ng pulisya sa kanyang tirahan Biyernes ng umaga sa Las Piñas City.
Dakong alas-8:30 ng umaga nang puntahan ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco sa kanyang tinutuluyang bahay si alyas “Gio” sa Neptune St. Del Nor Subdiviion, Brgy. Talon I upang isilbi ang warrant of arrest para sa dalawang kasong kriminal na kanyang kinakaharap.
Ayon kay Las Piñas Police Chief P/Col. Fermin Armendarez III, bitbit nila ang arrest warrant na inilabas ng Family Court Branch 2 ng Las Piñas City para sa mga kasong Statutory Acts of Lasciviousness na may piyansang P180,000 at Statutory Rape by Sexual Assault na may piyansang P200,000, nang arestuhin ang akusado.
Pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility ng Las Piñas Police Station si alyas Gio habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

