Toygun

Nagpapaupa kulong sa panunutok ng toy gun

Edd Reyes Sep 4, 2026
160 Views

Toygun1KALABOSO ang napala ng 32-anyos na nagpapaupa ng kwarto ng tutukan ng laruang baril ang dating nangungupahan dahil sa away noong Biyernes sa Las Piñas City.

Sa ulat, alas-2:30 ng madaling araw nang dumating ang biktima sa dating inuupahang kwarto na pag-aari ni alyas Arnold sa Kalye Trese, Pag-Asa Compound, Brgy. Pilar upang kunin ang iba pa niyang gamit pero sinita ni alyas Arnold.

Humantong sa mainitang pagtatalo ang usapan hanggang bumunot ng baril ang suspek at itinutok sa mukha ng biktima na sa takot ay kumaripas ng takbo palabas.

Nakahingi ng tulong sa mga tauhan ni Southern Police District (SPD) director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang biktima na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nakumpiska ang laruang .9mm pistol na ginamit sa panunutok, dalawang bala ng kalibre .9mm, isang bala ng kalibre .45 at isang bala ng kalibre .38 revolver.

Nai-turn over na sa Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Las Piñas Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong grave threats at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.