Calendar
ACIDRE: RA 12325, MAGPAPALAWAK, MAGPAPANTAY SA LIBRENG EDUKASYONG TERSIYARYA
MALUGOD na tinanggap ni TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre, Chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12325 na naglalayong palakasin ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act at matiyak na mas makararating ang tulong ng pamahalaan sa mga estudyanteng higit na nangangailangan nito.
Nilagdaan kamakailan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang RA No. 12325 na isang mahalagang hakbang umano upang gawing mas patas, inklusibo at tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong mag-aaral ang libreng edukasyong tersiyarya.
Sa seremonya ng paglagda, binigyang-diin ng Pangulong Marcos, Jr. ang mas malinaw na pagtutok ng bagong batas sa mga mahihirap at disadvantaged na estudyante, kabilang ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon sa Pangulo, layunin ng mga pagbabago na matiyak na ang tulong ng gobyerno ay mapupunta sa mga higit na nangangailangan, kabilang ang mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya.
Sinabi ni Acidre na bagama’t malaki ang naging ambag ng libreng higher education sa pagbubukas ng oportunidad para sa milyun-milyong estudyante, nakita rin ang pangangailangan na higit pang ituon ang tulong sa mga estudyanteng may pinakamababang kakayahang pinansyal.
“Noong unang binuksan natin ang mga pintuan ng libreng higher education, pinalawak natin ang oportunidad para sa milyun-milyong Pilipinong estudyante. Pero nakita rin natin na hindi sapat na libre lamang ang edukasyon. Kailangang tiyakin natin na ang tulong ng gobyerno ay makarating sa mga may pinakamababang kakayahang magbayad at sa mga estudyanteng pinakamalaking posibilidad na maiwan,” sabi ni Acidre.
Isa sa mga pangunahing pagbabago sa ilalim ng RA 12325 ay ang mas malinaw na sistema ng pagbibigay ng prayoridad sa Tertiary Education Subsidy (TES).
Sa ilalim nito, top priority ang mga estudyanteng mula sa 4Ps households habang ang natitirang slots ay ilalaan batay sa per capita income ng pamilya.
Ayon kay Acidre, tinutugunan ng reporma ang problemang natukoy ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) noong 2023.
Batay sa kanilang findings, bumaba nang malaki ang bahagi ng TES grants na napunta sa mga estudyanteng mula sa pinakamahihirap na pamilya—mula 74.24 porsiyento noong 2018 hanggang 30.74 porsiyento noong 2022.
“Simple lang ang prinsipyo: kung kinilala na ng gobyerno na kabilang ang isang pamilya sa pinakamahirap at pinaka-nangangailangan, dapat makita rin iyon sa paraan ng pagbibigay natin ng educational assistance. Kung sino ang higit na nangangailangan, sila ang dapat unahin,” pahayag ni Acidre.
Gayunman, sinabi ng mambabatas na hindi lamang paglalaan ng financial assistance ang dapat pagtuunan ng pansin.
Ayon kay Acidre, kailangang tiyakin na ang mga estudyanteng kapos sa buhay, nakatira sa malalayong lugar at kabilang sa disadvantaged sectors ay may tunay na pagkakataong makapasok sa kolehiyo, manatili sa paaralan at makatapos ng pag-aaral.
“Access alone is not enough. Kailangan din nating tiyakin na ang mga estudyanteng kapos sa buhay, nasa malalayong lugar, o kabilang sa disadvantaged sectors ay may tunay na pagkakataong makapasok, manatili sa paaralan, at makatapos,” ani Acidre.

