Calendar
Abante tututukan mga panukalang batas na mangangalaga sa karapatang pantao
BILANG bagong luklok na Chairman ng House Committee on Human Rights, tiniyak ngayon ng isang beteranong Metro Manila congressman na tututukan nito at sisikaping maipasa ang mga panukalang batas na nangangalaga at nagpo-protekta sa karapatang pantao.
Sinabi ni Manila 6th Dist. Cong. Bienvenido “Benny” Abante na nakahanda siyang makipagtulungan sa mga kasamahan niyang mambabatas upang matiyak na ang lahat ng panukala na isasalang sa kaniyang Komite ay maipapasa at maisasa-batas.
Ipinaliwanag din ni Abante na nagkakaroon aniya ng maling pagka-unawa o “misconception” ang publiko na ang proteksiyon sa karapatang pantao ay hindi akma o “incompatible” sa paghahangad ng pag-unlad at pagsisikap na matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.
Ayon kay Abante, ang kahulugan ng kaniyang naging pahayag ay minsan inaakala ng ilang sektor na nilalabag ng pamahalaan ang karapatang pantao ng isang indibiduwal sa pagnanais na mapangalagaan naman ang interes at kaligtasan ng mamamayan.
“There is a mis-conception that the protection of human rights is somehow incompatible with the pursuit of development and efforts to secure the safety of our people,” sabi ni Abante.
Sinabi pa ng Metro Manila solon na bilang Chairman ng Committee on Human Rights, ta-trabahuhin nilang mabuti ang mga panukalang batas na inihain sa kaniyang Komite na naglalayong pangalagaan ang karapatang pantao at iba pang panukala na kahalintulad nito.
Kabilang na aniya dito ang panukalang batas na nakatuon sa walang habas na diskriminasyon at pagtitiyak sa kalayaan pang-relihiyon o “freedom of religion”.