Baron

Aktres na ina ng anak ni Baron bumawi kay Cristy

Eugene Asis Mar 23, 2024
52 Views

VINDICATED ang veteran showbiz talk show host and columnist na si Cristy Fermin pagkatapos aminin ng 41-year-old actor na si Baron Geisler ang tungkol sa panganay na anak niyang babae sa interview sa kanya ni Ogie Diaz.

May dalawang anak si Baron sa kanyang misis na si Jamie Evangelista, sina Javi at Tali.

At napaiyak si Cristy dahil dito. “Iyak ako nang iyak kasi, namputsa, tingnan mo nga naman, after sixteen years, na-vindicate pa ako.

“Natakot kasi ang ABS-CBN na magdedemanda ang aktres,” kuwento ni Cristy sa panayam ng kaibigang Jojo Gabinete.

Tinanggal si Cristy sa ‘The Buzz’ dahil dito. Ito ay kahit sinabi ng columnist at TV host na kumpleto siya sa detalye ng panganganak ng aktres sa isang ospital sa pagitan ng Pasig at Mandaluyong.

Pero kahit na naailabas na sa interview ni Ogie Diaz, humingi pa rin si Cristy ng permiso sa ina ng anak ni Baron para talakayin sa radio show niya kasama si Rommel Chika.

“Nagpainterbyu sa akin nang one-on-one, humahagulgol. Sabi niya, ‘May utang ako sa yo. I owe you one’,” kuwento ni Cristy.

“Sabi ko sa kanya, ‘Noong 2010, two years after, pinatawad kita. Humingi ka sa akin ng tawad sa telepono. Katabi ko noon si Rebo (anak ni Cristy), inaanak mo.

“’Ngayon, ako naman ang maniningil sa yo. Ako naman ang buuin mo, winasak mo ang pangalan ko noong 2008.’

“Ang sabi niya, ‘Sige, gawin mo na ang lahat. Basta, huwag na huwag mo lang banggitin ang pangalan ko. Please!’

“Sabi ko, ‘Oo, maitatawid ko yon na hindi ko ime-mention ang pangalan mo.’”

Ayon pa kay Cristy tungkol sa diumano’y pagkikita ni Baron at ng panganay na anak, swala raw pakialam ang ina ng bata. “Sabi niya [ina ng anak ni Baron], ‘Wala akong alam na ganyan.

“‘Hindi kami nagkakausap. Huwag na huwag niya akong gagamitin dahil may pelikula siyang ipalalabas.’”

May pelikula kasi Baron ngayon, ang Dearly Beloved, ang pelikulang tungkol sa blended family kung saan ay kasama si Cristine Reyes sa ilalim ng Viva Films at dinirek ni Marla Ancheta na direktor din ni Baron sa award-winning at Netflix hit na ‘Doll House.’.