Calendar
Ayon sa kuha ng CCTV, mabilis na naisugod sa pagamutan ang biktima na kasalukuyang inoobserbahan at balot na ng benda ang buong katawan, matapos masabugan at malapnos ang katawan nito sa sumabog na LPG sa Pandacan, Manila.
Ama nasabugan ng LPG sa tahanan, inoobserbahan
KASALUKUYANG inoobserbahan ng mga manggagamot ang isang padre de pamilya matapos masabugan at malapnos ang iba’t ibang parte ng katawan nito nang sumabog ang kanilang liquefied petroleum gas (LPG) habang nagluluto ng pangbentang almusal.
Ayon sa report, pasado alas-5 ng madaling araw nang mangyari ang pagsabog sa loob ng bahay ng 41-anyos na biktima na si alyas “Anisete” sa may Kahilum I, Barangay 871, Pandacan, Manila, madaling araw ng Miyerkules.
Nakita pa ng mga kapitbahay ang biktima na lumabas ng bahay habang nasusunog matapos ang pagsabog ng LPG.
Agad naapula ng mga rumespondeng tanod ang sunog gamit ang fire extinguisher sa nasabing barangay.
Dahil dito, 97 porsiyento ng katawan ng biktima ang nasunog.
Gayunman, nagawa pa nitong isalba ang dalawa niyang anak na noo’y natutulog pa, kung saan ang isa ay nagtamo rin ng bahagyang paso sa braso at natuluan ng umaapoy na tolda sa kanilang tahanan.
Agad isinugod sa pagamutan ang biktima at kasalukuyang inoobserbahan ng mga manggagamot.

