Bro. Marianito Agustin

Ang kababaang loob ay hindi makakabawas ng ating pagkatao (LUCAS 14:7-11)

653 Views

Jesus“Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan. Huwag kang uupo agad sa upuang pandangal, Baka may inanyayahang mas marangal kaysa sa iyo. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo. “Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?”. Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka mauupo sa pinakaabang upuan”. (Lucas 14:8-9)

MAINIT na mainit sa kasalukuyan ang usapin at kontrobersiya tungkol sa mga “flood control projects”. Kung saan, milyong-piso ang dumaan sa kamay ng mga contractors habang ang mga kababayan natin sa iba’t-ibang lugar ay lubog sa baha.

Ilan sa miyembro ng kanilang pamilya ang walang pakundangang ipinapasikat at ibinabalandra pa sa social media ang ipinagpapalagay na “katas ng kontrata” mula sa mga flood control katulad ng mamahaling relos, mga magagarang sasakyan, mga biyahe nila abroad at iba pang mga karangyaan.

HUMILITY:

Ang tema ng Ebanghelyo ni San Lucas (Lucas 14:7-11) ay lapat na lapat patungkol sa mga taong mapagmataas at mistulang wala sa kanilang bokabularyo ang salitang pagpapakumbaba (humility).

Ito ang mensahe ng Pagbasa para sa kanila.

Itinuturo ng Panginoong HesuKristo sa Ebanghelyo ang aral tungkol sa mga taong ang tingin sa kanilang mga sarili ay dakila, tanyag at mataas na inilarawan sa isang kasalan kung saan mas pinili ng mga panauhin ang mga upuang pandangal. (Lucas 14:7)

Minsan, may mga taong ang “feeling sikat” o ang tingin sa kanilang mga sarili ay mas magaling, mas mahusay, mas initelehente at kung kung-ano pang “mas” dahil sa matayog nga ang pagtingin sa kanilang sarili at nakaka-angat kaysa sa ibang tao.

ANG PRIDE O KAYABANGAN AY LASON:

ANG pinaka-mabagsik na lason dito sa ibabaw ng mundo ay ang pride o “self conceited” na ang tingin sa kanilang sarili ay napaka-galing at hindi kailangan ang tulong ng ibang tao sapagkat sila’y bilib na bilib sa kanilang galing at husay.

Ang “pride” o kahambugan ay hindi galing sa Diyos kundi galing ito sa diyablo upang mas malayo ang isang tao sa Panginoon. Minsan, ito rin ang mga taong sarado ang isipan sa payo at turo ng kanilang kapwa para baguhin ang kanilang pagkakamali.

Ayaw nating tumanggap ng pagkakamali sapagkat ang paninindigan natin sa ating sarili ay tama naman ang ating naging desisyon. Lalo na ang mga taong nagsasabi na “wala akong pinagsisihan sa mga nagawa ko”. Ito ba ang taong may pagpapakumbaba?

DELIKADESA

NATUNGHAYAN natin sa social media kamakailan kung papaanong ibinalandra at ibinida ng anak at asawa ng mga contractors ang kanilang kayamanan o karangyaan sa pamamagitan ng pagpo-post ng kanilang mamahaling bag, relos at mga biyahe sa ibang bansa.

Wala naman masama kung ang intensiyon nila “di-umano” ay para ipakita ang kanilang mga “blessings galing sa Diyos”. Subalit sana nga lamang ay nagpasalamat na lamang sila sa Panginoon ng tahimik (discreet) sa pamamagitan ng panalangin.

Bakit ba kailangan pa nilang i-post sa social media ang kanilang karangyaan para ipakita o ipagyabang sa sambayanang Pilipino ang kanilang nag-uumapaw na kayamanan na batid naman ng lahat na galing sa ma-anomalyang proyekto (korapsiyon).

Ang usapin dito ay hindi na tungkol sa katas o produkto ng tagumpay (success) ng pamilya ng mga contractors kung bakit sila nagkaroon ng ganoong karaming kayamanan (blessings man iyan galing sa Diyos). Kundi ang pagiging “sensitive” natin sa ating kapwa, lalo na para sa mga mahihirap na Pilipino.

Iniyayabang nila sa social media ang kanilang karangyaan at kayamamang galing sa mga kinopo nilang proyekto (kontrata) ng flood control habang maraming kababayan natin ang nilulubog ng baha dahil gumuho ang dike dahil “substandard” ang pagkakagawa. Ibinabalandra nila ang kanilang branded na bag at Rolls Royce habang may mga kababayan tayong namamatay sa leptospirosis sapagkat lumusong sila sa baha.

Ang pagpapakumbaba at delikadesa ay hindi naman makakabawas sa kayamanan ng mga taong ito. Walang dahilan para ipakita ang kanilang kayamanan na alam nnaman ng lahat na galing sa “korapsiyon” habang maraming tao ang kumakalam ang sikmura.

Ang “HUMILITY” ay ang pagsasa-alang-alang sa kapakanan ng ibang tao partikular na ang mga mamamayan na kayod-kalabaw para kumita ng kakarampot. Sana nga lamang, bago nila ipinakita sa social media ang kanilang karangyaan ay naisip nilang maraming Pilipino ang hindi kasing yaman nila at naghihikahos sa buhay.

LEKSIYON NA DAPAT MATUTUNAN:

Hinahamon tayo ng Ebanghelyo na pag-aralan nating magpakumbaba. Huwag natin ipagpalagay na mas nakaka-angat tayo sa ating kapwa at huwag natin ipagyabang ang anoman na mayroon tayo ngayon sapagkat iyan ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos.

Kung tutuusin, sino tayo o kaya’y ano ang magiging itsura natin kung sakaling bawiin sa atin ng Panginoon ang ating mamahaling relos, branded na bag, magarang mga sasakyan tulad ng Ferrari at malalaking bahay? Makapagyabang pa kaya tayo?

Wala tayong maipagmamalaki sa Diyos. Tao lang tayo na galing sa alabok at darating ang panahon babalik tayo kung saan tayo nanggaling. Ang lahat ng ating kayamaman ay maiiwan dito sa lupa at tayo ay hahatulan ng Panginoon ayon sa ikinilos natin dito sa lupa. Kaya walang dahilan para tayo magyabang.

Kung si Hesus na anak ng Diyos ay namuhay na parang alipin noong siya ay naririto pa sa lupa. Tayo pa kaya na tao lang? Sana ay pagnilayan nating mabuti ang aral ng Ebanghelyo na manatiling mapagkumbaba. Huwag natin hayaan na “MAS MALAKI PA ANG ATING KAYABANGAN KAYSA SA ATING PAGKATAO”.

AMEN