Evangelista

Ani ng magsasaka bibilhin ng gobyerno, ibebenta sa Kadiwa outlet

204 Views

UPANG bumaba ang presyo ng pagkain, bibilhin ng Department of Agriculture (DA) ang ani ng mga lokal na magsasaka at ibebenta ito sa mga Kadiwa outlet sa murang halaga.

Ito ang isa sa mga napag-usapan sa ipinatawag na pagpupulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na dinaluhan ang mga kinatawan ng DA at Department of Trade and Industry (DTI).

Ang pagpupulong ay bunsod ng pahayag ni Romualdez na dapat matigil na ang ginagawang pananamantala ng ilang negosyante na nagreresulta sa pagtaas ng presyo at paghihirap ng maraming Pilipino.

Sa naturang pagpupulong, sinabi ng DA na gagamitin nito ang P276 milyong Kadiwa Food Mobilization Fund na nasa ilalim ng 2023 national budget upang bilhin ang ani ng mga lokal na magsasaka.

Ayon kay Kristine Y. Evangelista, Assistant Secretary for Consumer Affairs ng DA plano ng ahensya na bilhin ang sibuyas sa mga magsasaka sa halagang P50 kada kilo o mas mataas sa P20 production cost.

“Our target is supposed to be farmgate price, pero dapat kumita si farmer. If our cost to produce is at P20 and then through Kadiwa its going to be bought at P50 (per kilo), tapos mabenta natin at farmgate,” ani Evangelista.

Sinabi ni Evangelista na maaaring gawin din ito sa iba pang produktong agrikultural.

Ayon pa kay Evangelista tutulong din ang DA sa paghahanap ng cold storage facility na magagamit ng mga magsasaka upang hindi mabulok ang kanilang ani.

“Kasama nun is the cold storage facilities also. The idea there is to provide all the other infrastructure needed by our farmers to be able to sell their commodity at a good price,” sabi pa ng opisyal.

Bukod sa paghabol sa mga hoarder, sinabi ni Romualdez na pagtutuunan din ng pansin ang paggugol ng gobyerno sa mga imprastraktura na kailangan ng mga magsasaka para dumami ang kanilang produksyon.