Aquino

Aquino: Target na pabilisin pagtatayo ng silid-aralan, tugunan ang backlog

180 Views

DAPAT lamang susugan ang karagdagan na silid-aralan para sa kaluwagan ng ating mag-aaral.”

Ito ang buong kumpiyansang iginiit ni Senador Paolo Bam Aquino sa pamamagitan ng kanyang panukalang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act na aniya’y makatutulong upang mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan at matugunan ang classroom backlog sa buong bansa.

Sa kanyang inspeksiyon sa Lakandula Elementary School at Dr. Adelaido C. Bernardo High School sa Mabalacat City, Pampanga, nakita ni Aquino mismo ang agarang pangangailangan para sa karagdagang mga silid-aralan, at binanggit na may mga condemned na pasilidad na patuloy pa ring ginagamit ng mga estudyante.

Kapag naisabatas, sinabi ni Aquino na papayagan ng Senate Bill No. 121, o CAP Act, ang mga local government unit (LGU) at non-government organization (NGO) na magpatayo ng mga silid-aralan alinsunod sa pambansang pamantayan at gabay sa kanilang mga nasasakupan, sa tulong ng pondo mula sa pambansang pamahalaan.

“I-bypass natin ang DPWH (Department of Public Works and Highways). Ibigay natin ang pondo sa LGU at sa NGO na may track record sa paggawa ng schoolbuilding. Sa tingin namin, mas mabilis ang paggawa at mas mura pa, sa tamang halaga,” wika ni Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education.

“Nais natin makita na magawa po itong classrooms na ito, in the next 3 to 5 years, masara natin yung classroom gap natin. The only way we can do this is kung maraming sabay-sabay gagawa ng classroom. Kung isang ahensiya lang ang gagawa ng classroom, hindi tayo matatapos,” dagdag pa niya.

Hinimok din ni Aquino ang pamahalaan na magtiwala sa mga may kakayahang NGO at dedikadong LGU na determinadong itaas ang kalidad ng edukasyon sa kani-kanilang mga komunidad.

“Magtiwala tayo sa mga NGO na may track record at iyong LGU na nais makita ang mga mas magandang classroom at edukasyon sa kanilang lugar,” paliwanag niya.

Muling iginiit ni Aquino ang kanyang hangaring ilipat ang bahagi ng flood control budget tungo sa edukasyon, sa halip na ilaan ang bilyun-bilyong pisong pondo sa mga lugar na hindi naman binabaha.

“Nais namin makita ang isang mas maayos na pondo ng flood control. Kutob namin, bababa ang P275 billion, mapo-focus siya sa lugar na may pagbaha. Iyong matatangal, sa tingin namin aabot pa siguro ng P100 billion, nais namin ilagay sa edukasyon,” ani Aquino.