Aragones

Aragones pinangunahan  Xmas lighting ceremony

Gil Aman Dec 6, 2025
398 Views
Aragones1
Ang maningning na mga Xmas lights na nasa harapan ng provincial capitol na pinatingkad ng mga magagandang parol. Kuha Gil Aman

NAGNINGNING ang Laguna Provincial Capitol Grounds Biyernes ng gabi, Disyembre 5, 2025, nang pangunahan ni Governor Sol Aragones ang kanyang unang Christmas Lighting Ceremony sa probinsiya.

Ang kaganapan ay dinaluhan ng daan-daang Lagunense, kasama ang mga board members, mayor, department heads, at empleyado ng Kapitolyo.

Tampok sa selebrasyon ang countdown sa pagpapa-ilaw sa malaking Christmas tree, mga parol, at iba pang dekorasyon sa Kapitolyo, na sinundan ng isang kahanga-hangang fireworks display.

Sa kanyang mensahe, hindi maitago ni Gov. Sol ang emosyon sa kahalagahan ng gabi.

“Alam ninyo, anim na taon ko pong inantay ang paskong ito,” aniya.

Ito ang unang Pasko ni Governor Sol Aragones sa Kapitolyo. “Natupad na ang pangarap at panalangin ko na mapaglingkuran ang lalawigan ng Laguna,” ani niya habang inaantay ang Christmas tree, mga parol, at dekorasyon na umilaw sa buong Kapitolyo.

Binigyang diin niya rin na ang diwa ng kapaskuhan ay ang pagpapalaganap ng kabutihan at pagmamahal sa araw-araw. “Sa bawat araw na gumagawa ho tayo ng programa dito sa lalawigan ng Laguna, mas pinipili kong hanapin ang SOLusyon sa problema kaysa manisi ng kapwa o kung sino man. At sana sa bawat araw mas piliin nating magmahal dahil ito ang diwa ng Pasko,” dagdag niya.

Mas pinasaya pa ang gabi ng 60,000 libreng hotdog sandwiches na handog ni Ramon Ang mula sa San Miguel Corporation.

Naghandog din ang Pamahalaang Panlalawigan ng libreng puto bumbong at bibingka, na nagbigay ng tradisyunal na lasa ng Pasko sa mga dumalo.

Kasama sa selebrasyon ang mga estudyante ng Laguna Senior High School, na nagbahagi ng kanilang tuwa sa makukulay na dekorasyon. “Nag-improve po siya, sobrang makulay po at sobrang ganda. Nakakaakit po siya sa mga tao,” sabi ng isang estudyante, kasabay ng pasasalamat sa mga handog na pagkain. Nagpapasalamat po kami sa binibigay niya sa Laguna,” ani ng mga estudyante.

Sa pagtatapos ng gabi, ibinahagi ni Gov. Sol ang kanyang taimtim na hiling sa Pasko na makasama pa sa maraming Christmas Lighting Ceremony at Pasko sa Kapitolyo ang mga Lagunense.

Ipinahayag niya ang pag-asa na patuloy na magniningning ang pagkakaisa, malasakit, at pamamahalan sa lalawigan, gaya ng Christmas tree, mga parol, dekorasyon, at fireworks na nagpasigla sa gabi.