Australyano, buntis na dyowa hinoldap, binaril; 2 suspek tiklo

Edd Reyes Jul 9, 2024
40 Views

DALAWANG suspek sa pangho-holdap na bumaril sa 31-anyos na Australiano at buntis na kasintahang Pinay ang naaresto ng mga pulis sa Caloocan City noong Lunes.

Unang nadakip ang suspek na si alyas John, 23, na nakilala ng mga biktima sa rogues’ gallery ng pulisya.

Itinuro ng suspek ang dalawa pa niyang kasabwat na sina alyas Romeo, 22, na nadakip nina Pat. Dennis Glen Deleon Jr. at Pat. Charles Henry Son Ferro sa harap ng kanyang bahay sa Julian Felipe St., Brgy. 8.

Nakatakas ang ikatlong suspek na si alyas Richard, 19.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/Randolfh Oliva ng Caloocan Police Sub-Station-4 na pauwi na ang mga biktimang sina Edjelyn Samson, 29, online casino agent, at Australian boyfriend niyang si Nathan Brito, 31, nang harangin sila ng mga suspek na armado ng sumpak dakong alas-3:30 ng umaga sa Libis Talisay St., Brgy. 12.

Nagdeklara ng holdap ang mga suspek at pilit na inagaw ang mamahaling bag ng babae na naglalaman ng personal na gamit, salapi at mobile phone pero nakipambuno si Brito hanggang sa paputukan sila ng isa sa mga suspek at tinamaan sa kaliwang paa ang Australian.

Naglabasan ang mga tao kaya nakatakas ang mga suspek at hindi nakuha ang bag ng babae habang dinala naman sa hindi na tinukoy na pagamutan ang magkasintahan.

Ayon kay Cpl. Oliva, nakalabas na ng pagamutan si Samson habang nakatakda pang operahan sa paa ang dayuhang kasintahan.