Barker

Barker ‘nanutok ng baril’, nagbanta matapos mapagtanungan

Edd Reyes Nov 25, 2026
57 Views

KALABOSO ang 19-anyos na barker nang tutukan ng baril at pagbantaan ang kelot na nagtanong ng kinaroroonan ng hinanahap na ka-tropa Miyerkules ng madaling araw sa Valenzuela City.

Nagtungo ang biktimang si alyas “Joey” 24, sa terminal ng pampublikong sasakyan sa Sulok St. Brgy. Ugong dakong alas-3:30 ng madaling araw para hanapin ang ka-tropa niyang barker na si alyas “Caloy”.

Nang hindi makita, nagtanong ang biktima sa suspek na nakilala sa alyas na “Darwin”, na nagsabing wala siyang kilalang alyas Caloy na barker sa lugar na dahilan ng kanilang pagtatalo.

Sa gitna ng kanilang diskusyon, binunot ng suspek ang nakasukbit na baril sa baywang at itinutok sa biktima sabay sambit ng katagang “Gusto mo pasabugin ko ulo mo?”.

Nagtatakbo sa takot ang biktima hanggang makahingi ng tulong kina Pat. Mikko Caballero at Pat Jay-R Verano ng Valenzuela Police Sub-station 8 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa dala niyang improvised na baril na kargado ng isang bala ng kalibre .38.