Kasal

Alok sa mga batang Pinay: Dayuhan pakasalan bago magtrabaho sa Japan

Jon-jon Reyes Nov 25, 2026
156 Views

Kasal1Kasal2Kasal3TATLONG Japanese nationals at isang Pilipino ang inaresto sa pagkakasangkot umano sa hinihinalang modus na nag-aalok ng trabaho kapalit ng kasal noong Sabado at Linggo sa Maynila.

Nagsagawa ng agarang aksyon ang pamuuan ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang Pilipina ukol sa nasabing modus.

Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group–Regional Field Unit National Capital Region (CIDG RFU NCR), sa pangunguna ni ni Police Colonel John Guiagui katuwang ang Manila Police District, ang apat na indibidwal sa isang operasyon noong gabi ng Nobyembre 21 hanggang madaling-araw ng Nobyembre 22 sa isang restawran sa Malate, Maynila.

Ang operasyon ay nag-ugat sa reklamo kung saan inalok ng trabaho sa Japan ang mga batang babaeng Pilipina, ngunit may kalakip na kondisyon na kailangan nilang pakasalan ang mga Hapones upang mapadali ang pagproseso ng kanilang mga visa.

Kabilang sa mga naaresto ang tatlong Hapones at isang Pilipino.

Nakarekober din ang mga imbestigador ng mga dokumento at iba pang gamit na maaaring makatulong sa pagtukoy sa mga pangyayaring may kaugnayan sa nasabing kasunduan.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya para sa kaukulang prosesong legal, kaugnay ng iniulat na paglabag sa Republic Act No. 10906, o ang “Anti-Mail Order Spouse Act of 2016.”

Ayon kay PNP Chief PGen Melencio Nartatez, ipinapakita ng operasyong ito ang kahalagahan ng pakikinig sa mga reklamo at agarang pagtugon kapag ang mga alok sa mga Pilipino ay nagdudulot ng pangamba hinggil sa posibleng pagsasamantala.

“Ang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa ay dapat magbukas ng oportunidad, hindi maglagay sa ating mga kababayan sa alanganin. Hinihikayat namin ang lahat na maging maingat sa mga alok na may kaakibat na hindi pangkaraniwang mga kondisyon, lalo na kung ang pag-aasawa o iba pang personal na kasunduan ay ginagawang bahagi ng isang kasunduan sa trabaho. Kung may mapansing kahina-hinala, huwag mag-atubiling lumapit sa mga awtoridad,” pahayag ng butihiing PNP Chief.

Binigyang-diin niya na patuloy na seryosong tutugunan ng PNP ang mga reklamo at makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak na ang mga iniulat na paglabag ay maayos na maiimbestigahan, habang pinangangalagaan ang mga karapatan ng lahat ng sangkot.

Dagdag ni Nartatez na ang operasyon ay sumasalamin sa dedikasyon ng PNP sa “PNP Focused Agenda”—partikular na sa Enhanced Managing Police Operations—sa pamamagitan ng mabilis na pagtugon, epektibong koordinasyon, at interbensyon ng pulisya na nakabatay sa mga aktwal na reklamo at mga ebidensyang nakalap.

Sinusuportahan din nito ang patuloy na pagsisikap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga Pilipino at palakasin ang mga pananggalang laban sa mga modus na maaaring maglagay sa panganib sa kanilang kapakanan at seguridad.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, hinihimok ng PNP ang publiko na beripikahin ang mga alok na trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga lehitimong paraan at iulat ang mga kahina-hinalang recruitment o kasal sa mga kinauukulang awtoridad.

Sa pamamagitan ng proaktibong pagpupulis at kooperasyon ng publiko, patuloy na isinusulong ng PNP ang Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman…