Calendar
Iniharap ni PLt.Col. Rommel Anicete ang akusado sa panggagahasa ng 4 counts matapos maaresto sa Baseco, Port Area, Manila.
Binata diretso selda sa 4 na bilang ng pang-aabusong s*kswal
HIMAS rehas na ang 36-anyos na lalaki matapos arestuhin ng mga operatiba ng MPD Baseco Police Station 13 sa Blk 14, Old Site, Baseco Compound, Port Area, Maynila noong Martes dahil sa 4 counts ng kasong pang aabusong sekswal sa Bukidnon.
Nakilala ang suspek, na kabilang din sa talaan ng Top 8 Most Wanted Person, na si alyas Gilbert, tubong Ozamiz, Misamis Occidental, binata, obrero at residente ng Malaig, Watu, Balindong, Lanao del Sur.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, hepe ng Baseco Police Station 13, bandang alas-11:30 ng umaga nahuli ang suspek ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section sa pamumuno ni PCpt. Aldeen Legaspi, PLt. Christopher Ibañez at mga operatiba ng Intelligence mula sa Valencia police.
Bitbit ang Warrant of Arrest na inilabas ni Judge Wilfredo Gutang Bibera Jr., Presiding Judge ng RTC Branch 46, 10th Judicial Region, Malaybalay City, Bukidnon para sa mga Criminal Case Numbers 47017-25, 47018-25 at 47019-47020-25.
Walang inirekomendang piyansa para sa temporary liberty ng suspek.
Maayos na naihain sa akusado ang Warrant of Arrest at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal.
Ang nasasakdal ay nasa kustodiya ng mga pulis habang hinihintay ang pagbabalik ng Warrant of Arrest sa hukumang pinagmulan nito.

