Bebot kulong sa pambubugaw

46 Views

KALABOSO ang 30-anyos na babae na nambubugaw umano sa limang babae kabilang ang isang minor de edad sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Joahanna Ericka Managuite, 30-taong gulang, at taga-Lower Everlasting, Payatas A, Quezon City.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya kaugnay ng online booking na pambubugaw ng biktima.

Isang pulis ang nagpanggap umanong kustomer at nakapag-book ng anim na babae sa halagang P2,500 bawat isa. Nagkasundo umano na magkita ang poseur client at ang suspek sa isang hotel sa Kalayaan Avenue, Barangay Diliman, Quezon City.

Inaresto umano ang suspek matapos na tanggapin ang bayad alas-6:45 ng hapon noong Setyembre 23.