Calendar
Bebot nagbiro na baka bomba laman ng kanyang maleta, di pinasakay ng eroplano
PINIGILANG makasakay ng eroplano patungong Tacloban ang 52-anyos na bebot nang magbiro na baka bomba ang laman ng kanyang maleta.
Ito’y habang nakikipagtalo ang bebot sa isang service personnel ng airline hinggil sa lumang tag ng dalang maleta, sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Sa nakarating na ulat kay Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) Director P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., nangyari ang insidente Sabado ng gabi nang ipatanggal ng airline personnel ang lumang tag sa dalang maleta ng pasahero, upang maging maayos ang labeling na dahilan ng kanilang pagtatalo.
Nang sabihin ng bebot na, “Bomba ata ’yan,” dito na inalerto ng crew ang NAIA Police Station 3 at Special Operation Unit ng AVSEGROUP na kaagad kinordon ang lugar upang maisagawa nang maayos ang pagrerekisa ng mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) at Explosive Detection Dog (EDD) sa maleta ng pasahero.
Linggo na ng madaling araw nang ideklarang ligtas na ang lugar matapos walang makitang anumang uri ng pampasabog, habang isinailalim sa imbestigasyon at dokumentasyon ang babaeng pasahero.
Bagaman hindi na sinampahan ng kaso ay tuluyan ng na-blacklist ang babae sa pagsakay sa kinauukulang airline.
“Any bomb-related jokes or remarks in airports are strictly prohibited and will prompt immediate security action,” paalala ni Bartolome.

