Calendar
BI agents hinuli Kano na may kasong kriminal
INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang American national na may kasong kriminal noong Abril 29 sa Danao City, Cebu.
Naaresto si Kenneth Alan White, 44, ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa koordinasyon ng mga awtoridad ng US at Philippine National Police.
Si White ay wanted sa Texas dahil sa mga kasong threatening to publish intimate visual material at attempted aggravated assault with a deadly weapon. May nauna na rin siyang felony conviction para sa aggravated assault sa Arizona.
Pumasok siya sa Pilipinas noong Marso 2025 bilang temporary visitor ngunit nabigong i-extend ang kanyang pananatili matapos ang Hunyo 2025, dahilan upang siya ay maituring na overstaying alien at undesirable foreign national.
“Ang pagkakaarestong ito ay patunay ng aming matatag na paninindigan: ang Pilipinas ay hindi ligtas na kanlungan para sa mga puganteng may mararahas na nakaraan. Patuloy kaming makikipagtulungan sa aming international counterparts upang matunton at agad na maalis ang mga ito. Ang sinumang susubok na takasan ang hustisya sa pamamagitan ng pagtawid ng hangganan ay mahaharap sa aming masigasig na pagpapatupad,” sabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.
Si White ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya sa Danao City at ililipat sa BI Warden Facility sa Maynila.
