Tsino

BI agents tiniklo Chinese meth lab operator

Jun I Legaspi Dec 19, 2025
311 Views

NAARESTO ng Bureau of Immigration (BI) agents noong Linggo ang Chinese fugitive na natuklasang nagpapatakbo ng methamphetamine laboratory sa Rizal.

Kinilala ang suspek na si Shi Chunfang, 40, na hinahanap ng mga awtoridad sa Tsina dahil sa kasong kidnapping at may nakabinbing warrant mula sa Public Security Bureau ng Jinjiang City noong 2024.

Kanselado na ang pasaporte ng suspek dahilan upang siya ay maituring na undocumented alien.

Kasama niyang naaresto si Shuguang Fan, 37, na may order to leave mula pa noong 2023 dahil sa matagal na pananatili sa bansa.

Itinanggi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga maling ulat na si Shi ay pinalaya at muling inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group.

“Napag-alaman na siya ay isang kingpin sa ilegal na industriya ng droga, namumuno sa isang shabu laboratory habang nagpapanggap na ordinaryong mamamayan,” ayon kay Viado.

Nauna nang humiling ang Embahada ng Tsina ng deportasyon kay Shi na nakatakda sana noong 16 Disyembre.

Subalit, matapos matanggap ang impormasyon ukol sa kanyang kaugnayan sa ilegal na droga, ipinagpaliban ng BI ang deportasyon upang isailalim siya sa karagdagang imbestigasyon at maaaring sampahan pa ng ibang kaso.

“Hindi natin maaaring hayaang basta na lamang siyang umalis nang hindi hinaharap ang kanyang mga krimen dito. Ito ay malinaw na pagtatangka upang takasan ang pananagutan, at hindi tayo magiging kasabwat,” ayon pa sa BI chief.