Calendar
Hazing gang sa Valenzuela nabuwag ng pulisya
BUWAG na ang gang na sangkot sa riot at hazing ng nire-recruit nilang mga kabataang estudyante, makaraang madakip ang kanilang lider at pangunahing miyembro sa Valenzuela City.
Halos magkasabay na nadakip ng mga tauhan ni Valenzuela City Police Chief P/Col. Joseph Talento si alyas “Og,” ang umano’y lider ng True Brown Style (TBS) gang, at 30-anyos na miyembro na si alyas “Warren” sa magkahiwalay na lugar noong Miyerkules.
Nauna nang nadakip ang tatlo sa apat na menor de-edad, dalawang lalaki at isang babaeng estudyante, na kabilang sa nagsasagawa ng hazing sa kanilang nare-recruit.
Si Og ay nadakip sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Valenzuela Regional Trial Court Branch 270 sa harap ng gusali ng hudikatura sa Barangay Malinta, habang si Warren na may arrest warrant din ng naturang korte ay naaresto sa Brgy. Niugan, Jaen, Nueva Ecija.
Sa ulat ng pulisya kay Mayor Wes Gatchalian, noong Pebrero 15, 2025, ay isinailalim sa initiation rites na kung tawagin ng grupo ay “30-second massacre” ang 12-anyos na batang babaeng junior high school sa pamamagitan ng palitang pananampal sa mukha ng bata sa loob ng 30 segundo.
Matapos nito, susunugin ng sigarilyo ang panloob na bahagi ng hintuturo sa utos ng lider ng gang, bago isa-isa niyang kakamayan ang mga miyembro bilang tanda na kasapi na siya sa grupo.
Ayon kay Talento, patuloy pa nilang hinahanap ang nalalabi pang miyembro ng gang, kabilang ang isang menor de-edad na babae na kasama sa pagpapahirap sa kanilang mga nare-recruit.
Nauna nang nilagdaan ni Gatchalian ang ordinansa na nagbabawal sa pagbuo, pagre-recruit, paglahok at pagsasagawa ng operasyon ng mga gang, lalo na sa mga paaralan sa lungsod, na may katapat na parusang pagkakakulong at pagmumulta bukod sa kakaharapin nilang kasong paglabag sa Anti-Hazing Act.

