Calendar
MSRP ng DA nilabag ng 12 tindahan sa Muñoz market
LABING-dalawang tindahan sa Munoz public market ang nahuling hindi sumusunod sa maximum suggested retail price (MSRP) na itinakda ng Department of Agriculture (DA).
Ito ang resulta ng monitoring ng DA at iba pang ahensya sa palengke noong Huwebes.
Sa pangunguna ni Assistant Secretary Genevieve E. Velicaria-Guevarra kasama ang Quezon City government, Food Terminal Inc., Department of Trade and Industry at ang Philippine National Police, nabuking ang 12 tindahan sa paglabag sa price cap.
Dahil dito, inisyuhan ng show cause order ang may-ari ng mga tindahan upang magpaliwanag kung bakit hindi sinusunod ang MSRP.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mas paiigtingin pa ang kanilang monitoring habang papalapit ang Pasko.
“There will be no letup in our campaign for fair food prices–even and especially, during the holidays,” diin ni Tiu Laurel.
Kamakailan, itinakda ng DA sa P150 kada kilo MSRP ang pulang sibuyas samantalang P120 kada kilo MSRP sa puting sibuyas.
Subalit, mayroon pa ring nagbebenta ng P200 kada kilo.
Sa naturang inspeksyon,natuklasan din ng team na may 20 na tindahan ng baboy ang nagbebenta na mas mataas sa itinakdang MSRP na P370 kada kilo sa liempo at P330 kada kilo na MSRP sa kasim at pigue.
Sinabi naman ni Guevarra na krusyal ang tuloy-tuloy market monitoring lalung-lalo na sa panahon ng Kapaskuhan kung kailan mas mataas ang demand sa pangunahing bilihin.
“Mahalaga ang tuloy-tuloy na price and supply monitoring lalo na ngayong papalapit ang Pasko.
This ensures that sapat ang suplay, patas ang presyo, at hindi inaabuso ang ating mga mamimili sa panahong mas mataas ang demand,” dagdag ni Guevarra.

