Botika hinoldap, Latvian suspek huli

312 Views

ARESTADO ang isang Latvian citizen matapos umanong holdapin ang isang botika sa Novaliches, Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ng Novaliches Police Station (PS-4) ng Quezon City Police District (QCPD), alas- 6:30 ng gabi nitong Miyerkules (December 17), nang maganap ang panghoholdap sa loob ng isang botika sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Reymark Soneja ng PS-4, regular customer umano ng nasabing pharmacy ang suspek kaya kilala na ito ng mga empleyado doon.

Subalit nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa pharmacy assistant nagulantang na lamang sila nang pumasok ang suspek na tila nasa impluwensya ng alak, biglang bumunot ng kutsilyo, nagdeklara ng holdap at agad nilimas ang P 9, 271 na kita ng botika saka tumakas.

Agad na humingi ng tulong ang mga empleyado ng botika sa bystanders at mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at nabawi ang ninakaw na pera.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.