Salisi

Bag ng student pilot na naglalaman ng mahahalagang gamit, nanenok sa resto

Edd Reyes Dec 18, 2025
166 Views

PUSPUSAN na ang pagtugis ng pulisya sa kawatan na nagnenok sa bag ng 22-anyos na pilot student sa isang restaurant sa loob ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Paranaque City.

Sa inilabas na ulat Huwebes ng umaga ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, kitang-kita ang mukha ng suspek sa kuha ng CCTV na siyang tumangay sa bag ni alyas “Mhicko” na nakalagay sa likod ng upuan habang kumakain sa restaurant na nasa ikalawang palapag ng PITX sa Kennedy Road 1, Brgy. Tambo Lunes ng alas-2:16 ng hapon.

Natangay ng kawatan ang mga laman ng bag na kinabibilangan ng isang Ipad, tig-isang unit ng Iphone 12 at 14, Student Pilot License, iba pang mga dokumentong may kaugnayan sa kanyang pag-aaral bilang piloto, mga personal na gamit, ATM card at tinatayang P15,000 cash.

Ayon sa SPD, nagsasagawa na ng backtracking sa kuha ng CCTV ang mga tauhan ng Paranaque Police upang matunton ang suspek at mabawi ang tinangay na bag, pati na ang mga mahahalagang gamit na laman nito.

Nagawang makasalisi ng kawatan sa kabila ng ipinaiiral na mahigpit na seguridad sa PITX ngayong panahong ng Kapaskuhan kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero.

Nauna ng inihayag ni Jason Salvador, Corporate Affairs and Government Relations Director na pinalawak na nila ang assistance desk, koordinasyon sa mga ahensiya ng lokal at pambansang pamahalaan, at mahigpit na seguridad dahil inaasahan nila na lolobo sa tatlong milyong ang pasaherong dadaan sa PITX ngayong kapaskuhan.