Calendar
Bibliya, Saligang Batas may pagkakapareho sa ilang bagay
MAGKAIBA man ang nilalaman, ng Bibliya at Saligang Batas, may pagkakapareho naman sila sa ilang mga bagay tulad na lang ng kapaliwanagan at kahulugan ng nakasulat dito.
Hindi naman kasi kaila sa atin na kaya lumobo ang dami ng iba’t-ibang relihiyon, hindi lamang dito sa ating bansa, kundi maging sa buong mundo, ay dahil na rin may kanya-kanyang interpretasyon o kapaliwanagan sa laman ng Bibliya ang mga Pari, Pastor, Ministro, Katekista, Misyonaryo, maging mga Biblical Scholar, at Theologian na dalubhasa at nag-aral nang malalim sa kalikasan ng Diyos, relihiyon, at mga doktrinang nakapaloob sa Bibliya.
Dito nga sa Plaza Miranda, hindi lamang mga deboto ng Mahal na Poong Nazareno ang nagtutungo noon sa lugar, kundi maging ang mga nagnanais na makipag-debate sa nilalaman ng Bibliya.
Freedom Park kasi ang Plaza Miranda kaya dito nagtitipon- tipon noon ang iba’t-ibang mga sekta ng relihiyon, mga mangangaral, at maging mga ordinaryong tao na may ibang paniniwala at kahulugan ng nilalaman ng Bibliya para makipag-debate o kaya ay magpalitan ng kaalaman hinggil sa pananampalataya, doktrina, at mga bersikulo ng Bibliya.
Hindi ko lang alam kung mayroon pang ganitong uri ng pagtitipon ngayon sa Plaza Miranda sa Quiapo dahil hindi naman maikakaila na malaki ang kontribusyon ng social media upang dito ihayag ng mga may kaalaman sa Bibliya ang kanilang paniniwala.
Pero noong panahong mainit ang debatehan sa lugar, nakatulong ito sa maraming nagnanais makapag-hanapbuhay dahil sumulpot ang iba’t-ibang negosyo sa paligid ng Quiapo tulad ng mga manghuhula, naghihilot, nanggagamot, nagbebenta ng kung ano-anong produkto na dinarayo kahit ng nasa malalayong rehiyon.
Kaya nga maihahambing natin ang Bibliya sa Saligang Batas dahil kahit iisa ang talata at nilalaman ng Konstitusyon, may iba’t-ibang interpretasyon naman hindi lang ang mga abogado, kundi maging mga hukom at mahistrado, sa nilalaman nito.
Marami ng mga pangyayari, hindi lamang sa mga unibersidad at kolehiyo na nagtuturo ng batas nagkakaroon ng pagtatalo sa kahulugan ng nilalaman ng Saligang Batas kundi maging sa mga tanggapan ng tagausig, trial court, at sa Mataas na Hukuman.
Isang magandang halimbawa na nga rito ang pinagtatalunang threshold o hangganan kung ilan ang dapat na bilang ng boto ng mga senator judges, pati na ang solong kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court na litisin at magdesisyon sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
Ang kaibahan nga lang sa Saligang Batas at Bibliya, mayroong Korte Suprema na may kapangharihan para sa huling pagpapasiya sa pinagtatalunang batas, kasunduan, o iba pang usapin, na may kaugnayan sa nilalaman ng Konstitusyon habang walang nagpapasiya para sa pinagde-debatehang laman ng Bibliya.
Pagbati sa mahalagang okasyon sa araw na ito
Kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng People’s Tonight ngayong araw, magdiriwang din ng kanilang kaarawan ang aming walang kakupas-kupas na Editor-in Chief Ms. Maria Teresa “Tess” Lapuz-Lardizabal at photojournalist na si Jon-Jon Reyes.
Isang malaking pasasalamat po Mam sa inyong mga paggabay, kakaibang talino, pag-uukol ng lagpas pa sa sapat na panahon sa trabaho, at pang-unawa sa anumang maliit o malaki naming pagkukulang at pagkakamali.
Mabuhay sa mas marami pang edisyon ng People’s Tonight at enjoy naman po ninyo, pati na rin kay Jon-Jon, ang espesyal na araw na ito ng inyong kaarawan. Happy Birthday Mam Tess! Happy Birthday Jon-Jon!
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

