Calendar
Kasama natin si Jesus sa ating paglalakbay o journey sa buhay (LUCAS 24:13-33)
“NANG araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem” (LUCAS 24:13-33)
KAPAG ang isang tao ay nahaharap sa isang mabigat na suliranin. Ano ang karaniwan niyang ginagawa upang pansamantalang makalimot sa kaniyang problema? Kumbaga, ano ang kaniyang “outlet o libangan” para matabunan ng “artipisyal na kaligayahan” ang mga problemang nakakulapol sa kaniya?
Ang iba ay nagtutungo sa malayong lugar para makalimot. Halimbawa: sila ay nagpupunta sa maganda at primera-klaseng beach resort kagaya ng Boracay, Cebu at Romblon para maglibang at mag-unwind, habang ang iba naman ay nagpupunta sa mga Bar para maglasing at lunurin sa alak ang kanilang mga problema.
Samantalang sa kasamaang palad. Ang iba naman ay ginagawang “escape goat” ang illegal na droga at iba pang masasamang bisyo para lamang makalimot at matakasan ang mabibigat na suliraning kinakaharap nila sa buhay. Ang tanong nga lamang: talaga nga bang nakatalas na sila sa mga problamg nakapasan sa kanilang balikat?
Ganito ang kuwentong matutunghayan natin sa Mabuting Balita (LUCAS 24:13-33) tungkol sa dalawang alagad ni Jesus na naglalakad papuntang Emaus na puno ng lungkot, marahil ay mayroon din pinagdadaanang mabigat na problema at pagkadismaya kaya nais nilang magpakalayo. Ang nayon ng Emaus ang kanilang “outlet” para makalimot, mag-unwind at maglibang matapos mamatay si Jesus.
Ang akala ng dalawang alagad na ito, ang isa ay may pangalang Cleopas, na tapos na ang kanilang pag-asa kaya nais din nilang “tumakas”. Katulad din natin sila na “nagpapaka-layo” sa pag-aaakalang makakatakas tayo sa mga ating mga pinagdadaanang problema sa buhay.
PAGNILAYAN NATIN ANG AWITING ITO:
“That you are not alone
I am here with you
Though you’re far away
I am here to stay
But you are not alone
I am here with you
Though we’re far apart
You’re always in my heart
But you are not alone”
Ito ang bahagi ng lyrics sa sikat na awitin ng King of Pop na si Michael Jackson. Kung saan, ganito rin ang mensaheng ipinaparating sa atin ni Jesus na hindi tayo dapat manghina, manglupaypay at mawalan ng pag-asa dahil hindi tayo nag-iisa, siya ay kasama natin sa ating paglalakbay sa buhay (journey). Sa panahon ng kalungkutan, kabiguan, kapighatian at sa panahon ng kagalakan.
Lagi siyang naririyan sa ating tabi, hindi niya tayo tinatalikuran. Sa katunayan, tayo pa nga ang tumatalikod sa kaniya kapag tayo ay may mga mabibigat na problema. Tumatakas tayo sa pamamagitan ng pagkalulong sa masasamang bisyo at paggawa ng mga maling desisyon.
Minsan, kagaya din tayo ng dalawang alagad. Nang dahil sa mga problema, inaakala natin na pinapabayaan tayo ng Panginoong Diyos, ang iniisip natin ay mag-isa nating binabalikat at pinapasan ang ating mga mabibigat na suliranin sapagkat tulad din ng dalawang alagad, binubulag ng kalungkutan ang ating mga mata. Sa pamamagitan ng kawalan ng tiwala, kawalan ng pananampalataya kay Hesus at kawalang pag-asa.
Ipinapaalaala sa atin ng Ebanghelyo na hindi nangangahulugan na porke’t hindi natin pisikal na nakikita ang Diyos ay pinababayaan na lamang tayo sa buhay nating ito. Minsan, tahimik lamang na kumikilos si Jesus para pagaanin ang bigat ng mga problemang pinapasan natin sa ating mga balikat.
MENSAHE NG PAGBASA:
SA buhay nating ito. Mayroon tayong kaniya-kaniyang “Emaus” na ginagamit nating dahilan para umiwas at makatakas sa mga problemang pinagdadaanan natin. Subalit ang tanong lamang: hanggang kailan tayo iiwas? at Hanggang kailan tayo tatakas? Umiwas man tayo, babalik-babalik parin tayo sa pinanggalingan natin. Ito ay ang JERUSALEM na sumisimbolo sa mga problema sa buhay natin na pilit nating iniiwasan at tinatakasan. Hindi ito mawawala sapagkat hindi naman natin talaga ito hinarap, kundi iniwasan lamang natin katulad ng ginawa ng dalawang alagad na lumayo sa kanilang JERUSALEM sa pamamagitan ng pagkadismaya, labis na kalungkutan at kawalan ng pag-asa.
Matutunghayan din natin sa Pagbasa na matapos nilang papasukin sa loob ng kanilang bahay si Jesus at tanggapin ang pinagpirasong tinapay na ibinigay nito ay nabuksan ang kanilang mga mata. (LUCAS 24:28-32)
Ganito rin ang ating nararamdaman kapag tinanggap at pinapasok natin sa ating buhay si Jesus sa pamamagitan ng pagsuko sa kaniyang kalooban at sa Eucharistiya na simbolo ng kaniyang dugo at katawan. Nabubuksan din ang ating bulag na pananampalataya, nabubuksan ang ating isipan kapag nabasa natin ang kaniyang salita sa pamamagitan ng Bibliya at mga pagbasa sa Banal na Misa (LUCAS 24:13-).
ANG NAIS ITURO SA ATIN NG KUWENTONG ITO:
1. Kasama natin si Jesus sa mga mabibigat na pagsubok na pinagdadaanan natin. Hindi niya ipinapangakong magiging madali ang buhay natin, subalit ipinapangako niyang hindi tayo iiwan. Sa bawat luha, problema at pangamba. Si Jesus ay lagi nating kasama sa ating paglalakbay.
2. Kailangan nating matutong makinig sa Panginoong Diyos, minsan. Masyado tayong nakatuon sa ating mga problema kaya hindi natin naririnig ang kaniyang mensahe at sinasabi sa pamamagitan ng panalangin at pagbabasa ng Salita ng Diyos. Muli niyang binubuksan ang ating puso at pang-unawa.
3. Maaaring baguhin ng Panginoong Diyos ang ating mga pananaw. Ang nakita ng dalawang alagad ay kabiguan at kawalan ng pag-asa. Ngunit para kay Jesus, ang krus ay bahagi ng daang patungo sa kaluwalhatian. Ang mga bagay na akala natin ay katapusan na, ito pala ay maaaring maging simula ng isang bagong pag-asa.
MANALANGIN TAYO:
PANGINOON naming Diyos. Turuan mo po kaming maging matatag sa mga pagsubok na dumarating sa aming buhay, bigyan mo po kami ng lakas para ang aming pananampalataya ay hindi manghina at manlupaypay, sa halip ay bigyan mo kami ng katatagan at malakas na pananalig na hindi mo kami kailanman iiwan at laging kasama sa aming paglalakbay sa buhay na ito.
AMEN

