Edd Reyes

Bilyong piso matitipid sa pagtapyas sa materyales ng infra projects ng DPWH

Edd Reyes Nov 5, 2025
171 Views

MAY natitira pa palang pondo sa ilang proyektong pang-imprastraktura para sa kasalukuyang taon na ipatutupad ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.

Pero sabi ni Sec. Dizon, bago ito gawin ay titiyakin niya na ipatutupad na niya kaagad ang utos ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na tapyasan ng 50 % ang presyo ng mga gagamiting construction materials sa mga proyekto.

Sabi ng kalihim, nakakalula ang itinatakdang presyo sa mga construction materials ng DPWH sa mga nagdaang panahon na mas mataas ng 50% at 70% pa nga ang ilan, kumpara sa tunay na halaga nito sa lokal na merkado.

Eh di ba kapag bultuhan ang order ng bakal, semento, graba, buhangin at iba pang materyales ay mas mura kumpara sa tingi-tingi? Mapapaisip ka tuloy na napakalaki pala talaga ang nananakaw sa kaban ng bayan sa matagal na panahon.

Sabi ng Pangulong BBM, ang tatamaan sa pagtatapyas ng presyo ng mga construction materials ay hindi ang gagawing proyekto kundi ang SOP ng mga pulitiko at DPWH officials. Sabi nga niya, P30 hanggang P45 bilyon ang matitipid pero sa tantiya ni Sec. Dizon, sa susunod na taon ay baka umabot pa nga sa P60 bilyon na magagamit sa sektor ng kalusugan, edukasyon, at pagkain.

At para matiyak na hindi magiging sub-standard ang mga proyekto, may pinaplantsa ng hakbang si Sec. Dizon para matutukan ang mga gagawing infra projects sa lahat ng panig ng bansa.

Kapag lahat ng mga hakbang ni Sec. Dizon sa DPWH ay natupad at naipakulong din ang mga sangkot na opisyal at mga sangkot na pulitiko, tiyak na manunumbalik ang tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan na magiging daan para lumago ng husto ang ekonomiya ng bansa.

Paglago ng ekonomiya ng Navotas, hindi na mapipigilan

TULOY-tuloy na talaga ang paglago ng kabuhayan at ekonomiya ng Navotas City lalu’t idinaos sa lungsod ang kauna-unahang Navotas Business Conference na inorganisa mismo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry–Navotas Chapter sa Navotas Convention Center.

Sa harap ng mga opisyal ng pamahalaan at mga negosyante, ipinagmalaki ni Mayor John Rey Tiangco na mula sa maliit nilang pagsisimula bilang isang bayan ng pangingisda, umunlad ang kanilang ekonomiya na pinalakas ng kalakalan, manufacturing, logistics, at pagkakaloob ng wastong serbisyo kaya’t 70% ng supply ng isda ngayon sa Metro Manila ay sa kanilang Fish Port nagmumula dahil sa bago nilang pier, cold storage, at modernong pamilihan na lumikha ng napakaraming trabaho.

Sa panig naman ni Rep. Toby Tiangco, sa nalalapit na hinaharap ay hindi na aniya sila maituturing na nasa gilid lamang ng Metro Manila, kundi sila ang magiging sentro ng economic activity dahil mapapagitnaan sila ng New Manila International Airport at shipping ports.

Mahalaga aniya para sa mga negosyo ang umunlad dahil ang totoong progreso ay nangyayari sa dami ng trabahong lilikhain para sa tao at habang lumalago ang mga negosyo sa lungsod, maraming oportunidad ang mabubuksana na magpapaginhawa sa buhay ng kanilang mamamayan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com