Vic Reyes

ICI dapat suportahan, di batikusin

Vic Reyes Nov 5, 2025
154 Views

MAGANDANG araw sa lahat ng ating mambabasa, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan, Oman, Saudi Arabia.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Winger dela Cruz, Glenn Raganas, Mama Aki ng Ihawan, Endo Yumi, La Dy Pinky, Patricia Coronel, Roana San Jose, Josie Gelo,Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata na patuloy na naka-agapay sa mga kababayan nating Filipino sa Japan.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Tino Belen, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless!

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa +63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

***

Marami ang naniniwala na sinsero si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R, Marcos Jr. sa kanyang hangaring matigil ang korapsyon.

Ito nga ang dahilan kung bakit niya binuo ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) pagkatapos niyang ibulgar ang mga maanomalyang flood control projects.

Ang masakit, may mga “destructive critics” pa na nagsasabing palabas lang ang ginagawang imbestigasyon ng ICI.

Unfair naman ito sa ICI at kay Pangulong Bongbong na umani ng masigabong palakpakan dahil sa kanyang pamosong “Mahiya naman kayo.”

Ang pinatungkulan niya sa “pamosong linya” ay ang mga sangkot sa mga maanomalya at “ghost flood control projects” sa ibat-ibang parte ng bansa.

Sa totoo lang, pabayaan muna nating magtrabaho ang mga taga-ICI bago natin sila husgahan.

Naniniwala tayo na hindi bibiguin ng ICI ang tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng administrasyong Marcos.

Hindi matatawaran ang kakayahan ng mga bumubuo ng ICI para gampanan ang kani-kanilang tungkulin.

Ang kailangan lang ay suportahan natin ang ginagawa ng ICI at huwag batikusin dahil lang sa politika.

Walang mangyayari sa atin kung pulos pambabatikos ang ating gagawin.

***

Tigilan na ang panawagang bumaba sa puwesto si Pangulong Marcos.

Bakit ba gusto ninyong mawala sa puwesto si Pres. Bongbong, eh kasalukuyan nga siyang “naglilinis” sa gobyerno?

O baka naman takot lang kayo sa Pangulo dahil lahat ng sangkot sa mga kalokohan sa gobyerno ay gusto niyang maipakulong.

Kaya nga lahat ng mga anomalya sa gobyerno ay kanyang pinabubusisi.

Maging ang mga nangyari noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay bubusisiin.

Nandiyan ang Pharmally scandal na inimbestigahan noon ng Senado sa pangunguna ni then Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard “Dick” Gordon.

Ang masakit kasi, nangyari ito noong panahon na pinapahirapan tayo ng pandemya. Mantakin niyo, lugmok na tayo, ninanakawan pa.

Kaya nga hindi na tayo magtataka, bakit may mga nagmamadali ngayong matanggal sa puwesto si PBBM.

Ano sa palagay niyo?

***

Marami sigurong sumasakit ang ulo na hepe ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Takot sila na mapag-initan ni Pangulong Marcos dahil hindi nila nagawa ang mga dapat nilang gawin sa taong ito.

Pero sa tingin natin, kampante naman sina Customs Commissioner Ariel S. Nepomuceno.

Alam nilang mami-meet nila ang kanilang revenue collection target sa taong ito.

At nandiyan pa ang mga proceeds ng mga gagawin nilang public auctions ng mga abandoned at confiscated goods.

Kasama sa isusubasta ng BOC ang mga luxury vehicles ng mga Discaya.

Ang iba namang kumpiskadong gamit at pagkain ay ibibigay ng ahensya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maipamahagi sa mga biktima ng mga kalamidad na nakatira ngayon sa mga evacuation centers sa bansa.