Calendar
Mag-ingat sa panahon ng Simbang Gabi
MAPAGPALANG araw sa lahat ng ating mambabasa, pati na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Roana San Jose, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God Bless sa inyong lahat!
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)
***
Lahat tayo ay umaasang may mapaparusahan sa mga anomalya sa mga flood control projects sa bansa.
Pero ang mga akusasyon ay dapat samahan ng mga ebidensya na magpapatunay na talagang sangkot sa mga anomalya ang mga inaakusahan.
Hindi naman puwedeng pulos ngakngak, satsat at akusasyon lamang.
Ang problema kasi, nandiyan ang mga fake news na pinapalutang ng ilang taong may ulterior motives.
Ang paggawad ng hustisya ay hindi dapat nakukuha sa dami ng akusasyon at ingay ng mga kalaban sa politika.
Nasa demokrasya tayo at dapat dumaan sa tamang proseso ang pag-convict sa isang tao.
Kung walang sapat na ebidensiya, hindi dapat paniwalaan ang mga akusasyon laban sa isang akusado.
Tama ba kami, Ombudsman Boying Remulla?
***
Habang papalapit ang 2026 ay dumarami ang problema at isyu na kinakaharap ng bayan at taumbayan.
Nandiyan pa ang mga sunod-sunod na kalamidad – bagyo, baha at lindol.
Ang mga bagyo na nanalasa sa bansa ay sobrang babangis.
Ang resulta, baha sa maraming parte ng bansa, lalo na sa mabababang lugar. Marami ring nasirang pananim, nawalan ng mga tirahan at kumitil sa maraming buhay.
Nakalulungkot!
Sana, huwag namang maubos ang mga relief goods sa mga bodega ng gobyerno.
Hindi puwedeng hindi ayudahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at local government units ang mga biktima ng mga kalamidad.
Pasalamat tayo, maraming foreign governments, kagaya ng Estados Unidos, Japan, Australia, New Zealand at iba pang bansa ang nagpapadala ng tulong sa atin.
Patuloy nating ipagdasal ang ating mga kababayan.
***
Sana tumigil na ang mga bagyo at malalakas na pag-ulan.
Ilang linggo na lang kasi ay magsisimula na ang “Simbang Gabi.”
Ang “Simbang Gabi,” na tinatawag ding “Misa de Gallo” (Mass of the Rooster), ay isang Christmas tradition ng mga Katolikong Pilipino.
Ito ang siyam na gabing sunod-sunod na misa na magsisimula sa Disyembre 16.
Mag-ingat lang sa panahon ng “Simbang Gabi.”
Kadalasan ay sinasamantala ng mga akyat-bahay at mga magnanakaw ang panahong ito dahil alam nilang nasa simbahan ang mga tao.
Kaya dapat may maiwan sa bahay para magbantay.
Hindi ba, DILG Secretary Jonvic Remulla?

