Edd Reyes

Paglabas sa bansa ng mga opisyal naging isyu dahil nataon na may bagyo

Edd Reyes Nov 12, 2025
414 Views

NAGING malaking isyu ang paglabas ng bansa ng pitong alkalde at isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Cebu dahil wala sila sa kani-kanilang munisipalidad nang manalasa ang bagyong Tino na nag-iwan ng mahigit 150 patay sa lalawigan..

Kung hindi dahil sa bagyo, hindi sana magiging isyu ang paglabas nila ng bansa dahil bukod sa nag-apply naman sila ng travel authority noon pang Setyembre na inaprobahan ni Cebu Gov. Pamela Balicuatro, may karapatan din naman silang bumiyahe palabas ng bansa.

Nataon kasi ang paglabas nila ng bansa sa pananalasa ng bagyo kaya’t hindi ito nakaila sa mga mamamayan, lalu’t wala sila nang isagawa ang rescue operation at pamamahagi ng relief goods sa daan-daang pamilyang apektado ng bagyo.

Kaya nang bumalik sila ng bansa, nagkumahog ang mga alkalde na magsagawa rin kaagad ng relief operations sa bawa’t pamilyang kanilang nasasakupan na labis na nasalanta ng mapaninsalang bagyo, hindi lang siyempre nais nilang makabawi sa kanilang pagkukulang, kundi talagang gusto nilang makatulong sa mga nasalanta.

Pero ano itong mga napaulat na mga puna na may alkalde raw na namahagi nga ng relief goods pero nilagyan niya kanyang larawan ang mga ipinamamahagi gayung batid naman na hindi sa sariling bulsa niya nanggaling ang ibinibigay ng tulong.

Akala ko, nadala na ang mga pulitiko sa paglalagay ng kanilang larawan sa mga pinamumudmod na relief goods dahil luma na itong estilo at buking na ito ng mamamayan.

Parangal mula sa PhilHealth, ipinagkaloob sa Navotas

HINDI lang pala sa programa ng PhilHealth na YAKAP o Yamang Kalusugan Para sa Pamilya tumanggap ng parangal ang Navotas City kundi maging sa pagiging kampeon din sa pamamahala ng Universal Health Care (UHC).

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, ang natanggap na pagkilala ay patunay lang ng kasipagan at dedikasyon ng kanilang mga heath frontliners at mga katuwang sa pagtiyak na makakatanggap ng de-kalidad at abot-kayang pangangalaga sa kalusugan ng mga Navoteño.

Bukod kasi sa San Roque Health Center na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng pagtanggap ng mga pasyente, lahat ng 13 health centers sa lungsod, kabilang ang Navotas Medical and Wellness Center at Navotas City Hospital ay accredited na ng PhilHealth YAKAP Clinics.

Dagdag pang parangal sa huwarang pamamahala

BUKOD sa PhilHealth, umani rin pala ng mas marami pang parangal ang Navotas, sa 2025 Urban Governance Exemplar Awards mula naman sa Department of Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) kabilang ang pagiging “Ideal Functionality in the Local Council for the Protection of Children para sa taong 2024.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, kinilala rin sila sa kanilang pakikiisa sa pagnanais na maging ligtas, matiwasay, at drug-free ang buong Kamaynilaan at paglikha ng Highly Functional Local Committee on Anti-Trafficking at Violence Against Women and their Children.

Nakamit din ng lungsod ang mataas na pagtugon sa Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program (MBCRPP), pangunguna sa pagtugon sa problema ng informal settlers, tamang pagtatapon ng basura, at Top 2 sa Fisheries Compliance Audit.

Nagpasalamat naman ang alkalde sa DILG-NCR sa tinanggap na pagkilala na aniya at sumasalamin sa pagkakaisa at dedikasyon ng bawat’ Navoteño sa ligtas at progresibong lungsod.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com