Patay

Binatilyo, 17, umawat sa away ng magdyowa, tinaga sa ulo ng kelot, dedo

Edd Reyes Jan 9, 2026
204 Views

DEDO ang 17-anyos na binatilyo nang tagain sa ulo ng kanyang kainuman Biyernes ng madaling araw sa Binangonan, Rizal.

Isinugod pa ng kanyang mga kaibigan sa Rizal Provincial Hospital-Angono Annex ang biktimang si alyas “Ark” subalit idineklarang patay na dakong ala-1:18 ng madaling araw sanhi ng tinamong taga sa ulo.

Naglunsad ng malawakang pagtugis ang Binangonan Municipal Police sa suspek na si alyas “Jom” matapos tumakas bitbit ang patalim na pantaga ng karne na ginamit sa pamamaslang.

Batay sa ulat ng pulisya, kasama ng suspek ang kanyang kasintahang si alyas “Mae” sa pakikipag-inuman sa birthday party ng kaibigan nila ng biktima sa Axis Ville, Barangay Tagpos, Binangonan, nang unang umalis ang magkasintahan dakong alas-12:05 ng madaling araw.

Ilang sandali lang, humahangos na bumalik ang dalaga sa inuman na umiiyak at humihingi ng tulong matapos magkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng kasintahan.

Sumunod naman kaagad ang suspek na armado ng butcher knife at pilit na isinasamang pauwi ang dalaga pero tumanggi ito kaya umawat na ang biktima.

Dito na siya tinaga sa noo ng suspek at kahit sugatan, nanlaban at nakipagsuntukan pa hanggang bumagsak at mawalan ng malay-tao.