Fotog3 Si Itoh Son sa nakalipas na coverage, mula sa mga kasamang mamamahayag.

Tabloid photojournalist namatay habang kino-cover Traslacion

Jon-jon Reyes Jan 9, 2026
302 Views

FotogFotog1Fotog2Fotog4HINDI na umabot nang buhay sa pinagdalhang ospital ang isang newspaper photographer matapos mag-collapse at mawalan ng malay sa harap ng Manila Police District (MPD) Ermita Police Station 5 sa Luneta Grandstand madaling-araw ng Biyernes, habang nasa kasagsagan ng coverage ng Pahalik at Traslacion ng Poong Itim na Nazareno.

Kinilala ang photographer na si Armelito “Itoh” Son na pumanaw habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa Traslacion 2026 sa lungsod ng Maynila.

Pasado alas-2:15 ng madaling araw ng Biyernes nang makaramdam ng pagkahilo at biglang natumba si Itoh Son ayon sa kanyang mga kasamahan sa coverage na mga media rin.

Binigyan pa ng first aid o pag-pump sa dibdib subalit ito ay sumuka ng mabula hanggang sa pinulsuhan ng mga rumespondeng rescue bago dinala sa ospital.

Sa isang pahayag, nagpahatid ng pakikiramay ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS):

“Siya ay kinilalang photographer ng Saksi, at ayon sa kanyang mga kasamahan, inatake siya sa puso noong Biyernes ng umaga.”

“Sa kabila ng pagkakaroon ng trangkaso nitong mga nakaraang araw, ipinagpatuloy ni Son ang pag-cover sa mga kaganapan bago ang Traslacion, kabilang ang Pahalik.”

“Ang kanyang dedikasyon sa propesyon sa kabila ng kanyang karamdaman ay patunay ng kanyang pagmamahal sa trabaho at sa paghahatid ng mahahalagang pangyayari sa publiko. Ang kanyang walang sawang paglilingkod sa larangan ng photojournalism ay magsisilbing inspirasyon sa iba.”

“Nawa’y magsilbi rin itong paalala sa lahat ng media workers na maging mapagmatyag sa kanilang kalusugan at kaligtasan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Sa gitna ng matinding dedikasyon, huwag kalimutan ang kahalagahan ng pangangalaga sa sarili upang magpatuloy ang paglilingkod sa kapwa nang may malasakit at pagmamalasakit.”

Si Itoh Son ay isa rin sa mga director ng MPD Press Corps sa ilalim ng kanilang pangulo na si Jon-Jon Reyes.

Nagpahatid din ng pakikiramay ang kanyang mga kasamahan sa industriya:

“Kasabay ng Traslacion 2026, isang kasamahang mamamahayag ang pumanaw habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Ang kanyang tapang at dedikasyon sa paghahatid ng katotohanan ay hindi magwawakas sa araw na ito. Hanggang sa muli kuya Itoh Son, hindi ka namin makakalimutan. May you Rest In Peace.”

Ang National Press Club (NPC) ay nagpaabot din ng taos-pusong pakikiramay sa biglaang pagpanaw ng photojournalist.

Sa isang pahayag, ipinaabot ng NPC ang pakikiramay nito sa pamilya, kaibigan at mga kasamahan ni Itoh Son.

Ayon sa kanyang mga kasamahan, hindi na maganda ang pakiramdam nito habang siya ay nagco-cover ng Pahalik sa Poong Nazareno ngunit ito ay hindi niya ininda, tanda ng kanyang dedikasyon at debosyon sa kanyang propesyon.

Ipinakita ni Itoh Son na kahit masama ang kanyang karamdaman ay kailangan niyang gawin ang trabaho, na isang katunayan ng kanyang pagmamahal sa trabaho at pagnanais na maipaabot ang mga kaganapan sa publiko, saad ng NPC, na pinamumunuan ng presidente nitong si Leonel “Boying” Abasolo.

“Ito ay hindi matatawarang serbisyo bilang isang photojournalist na hindi alintana ang pansariling kalusugan magampanan lamang ang kanyang tungkulin sa pinaglilingkurang pahayagan at sa publiko,” dagdag ng NPC.

“Ang NPC sa gitna ng malungkot na pangyayaring ito ay nananawagan sa ating mga kapatid sa hanapbuhay na bigyang pahalaga ang kanilang kalusugan upang mas lalo nating magampanan nang buong husay ang ating mga tungkulin sa publiko at sa ating pamilya,” sinabi ng organisasyon.

“Muli ang pamunuan ng National Press Club ay nagpapaabot ng taus-pusong pakikiramay sa lahat ng naulila ng kapatid na si Itoh Son. May he Rest in God’s Peace,” pagtatapos nito.