Calendar
BIR: Hindi tugmang cash, maaaring ituring na kita
INUSISA ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan sa Senate impeachment court nitong Biyernes ang pagkakaiba ng cash na idineklara ni Vice President Sara Duterte at ng asawa niyang si Atty. Manases Carpio sa kanilang financial statements at sa kanilang SALN.
Sagot ng testigo ng Bureau of Internal Revenue (BIR), maaaring ituring na kita ang cash na hindi maipaliwanag, at maaari itong humantong sa deficiency taxes.
“Kung may mga discrepancies on cash and hindi po ito ma-reconcile, then it can be presumed na income unless suportahan or i-substantiate ng taxpayer. So kung ganoon, baka ma-issue ng deficiency taxes,” ani Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.
Kinumpirma ng testigo ang cash on hand at in bank ng mag-asawa sa audited financial statements na kasama ng kanilang income tax returns. Umabot ito sa P21,234,980 noong katapusan ng 2022 at P28,971,725 noong 2023. Bumaba ito sa humigit-kumulang P15.5 milyon noong 2024 at P13,804,540 noong 2025.
Ayon kay Pangilinan, walang nakalagay na cash on hand sa SALN ng mag-asawa. Mas maliit din umano ang liquid assets na idineklara roon kumpara sa cash na nasa financial statements.
“Would that be a concern for the BIR?” tanong ng senador.
Bago ito, tinanong ni Pangilinan ang testigo kung inilalagay niya ang cash on hand sa sarili niyang SALN.
“Yes po. ‘Yan po ‘yung turo sa amin sa BIR,” sagot niya.
Hiniling din ni Pangilinan sa testigo na ihanda ang audited financial statements ng GenCorp Industries Inc. para sa 2023 at 2024, pati ang income tax returns ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.
Ayon sa ulat, ipinunto rin ng senador na lampas P19 milyon ang year-end bank balance ng GenCorp noong 2024. Pero umano’y mahigit P683,000 lamang ang cash na nakatala sa audited financial statements nito para sa parehong taon.
Sa naunang bahagi ng pagdinig, tinanong din ni Pangilinan ang testigo tungkol sa shares ni Carpio sa Cale88 Foods Corp. Ayon sa testigo, kailangang mag-file ng capital gains tax return sa anumang paglilipat ng shares, fully paid man o hindi.
“So kung hindi, may violation?” tanong ni Pangilinan.
“May violation po,” tugon ng testigo.
Walang rekord ang BIR ng anumang paglilipat ng shares ni Carpio sa Cale88, ayon sa testigo.
Sa cross-examination ng depensa, sinabi rin ng testigo na hindi direktang maikukumpara ang kitang nasa income tax return at ang yamang nasa SALN. Personal at pangnegosyong ari-arian ang saklaw ng SALN, habang negosyo at sweldo lamang ang sa ITR.
Kasalukuyang ina-audit ng BIR ang buwis ng mag-asawa sa ilalim ng mga letter of authority na sumasaklaw sa 2006 hanggang 2025 para kay Duterte at 2014 hanggang 2025 para kay Carpio.
Kaugnay ang testimonya ng Article II ng kaso, na tumutukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte. Sa pamamagitan ng kanyang mga abogado, itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon.

