Rubio

BOC naharang shabu na itinago sa oven toaster

173 Views

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang package na naglalaman ng P4.2 milyong halaga ng shabu na itinago sa loob ng dalawang oven toaster.

Ang shipment na idineklarang “stainless steel two slice bread toaster” ay galing umano sa Arizona, USA, at naharang noong Hunyo 27 sa BOC-Port of Clark.

Napansin umano sa x-ray inspection ang kahina-hinalang bagay kaya ipinasuri ito sa K9 sniffing unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nang buksan ang package ay nakita ang apat na pouch na naglalaman ng white crystalline substance na nakapaloob sa toaster.

Nakumpirma sa laboratory testing ng PDEA na shabu ang itinago sa loob ng toaster.

Sinabi ni District Collector Ricardo Morales na patuloy ang pagpapalakas ng kakayanan ng ahensya upang matiyak na hindi makalulusot ang mga kontrabando.

Ayon naman kay Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang maigting na pagbabantay ng BOC ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“The Bureau of Customs implements strict border security measures to combat illegal drugs. Rest assured that we are closely coordinating with our counterparts to prevent the entry of prohibited drugs as we remain firm with the directives of President Ferdinand Marcos, Jr.,” ani Commissioner Rubio.